Bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas lumobo na sa 33

  • Kumpirmadong COVID-19 cases sa bansa lumobo na sa 33
  • Ito ay ilang oras lang matapos ang pag-anunsyo ni Pangulong Duterte ng 4 new cases nito
  • Ang biglang pagtaas ng bilang ng mga kumpirmadong COVID-19 cases ay dahil sa mas pinaigting na surveillance na ginagawa ng DOH

Lumobo na sa 33 ang COVID-19 cases sa bansa ilang oras lang matapos isiwalat ni Pangulong Rodrigo Duterte na may apat na bagong COVID-19 cases nito.

Imahe mula sa PCOO

Sabi ni President Duterte, ang apat na bagong kaso nito ay mula sa West Crame sa San Juan City, Project 6 sa Quezon City at sa Sta. Maria, Bulacan.

“The transmission is going on. Twenty plus four. It’s 24. That’s how bad it is,” pahayag ng Pangulo sa pakikipagpulong niya sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases, resource persons mula sa gobyerno at pribadong tanggapan at sa iba pang opisyal ng pamahalaan.

Kasabay ng anunsyong ito ang pagsususpinde niya ng mga classes in all levels sa mga paaralan sa National Capital Region mula March 10 hanggang March 14, 2020.

Ilang oras lang kasunod ng announcement ni Pangulong Duterte ay naglabas ng statement ang Department of Health nasa 33 na ang COVID-19 patients matapos madagdagan ng siyam na bagong kaso nito.

Binigyang-diin ni Department of Health Assistant Secretary Maria Rosario Vergeire na ang biglang pagtaas ng bilang ng mga kumpirmadong COVID-19 cases ay dahil sa mas pinaigting na surveillance na ginagawa nila.

Imahemula sa PNA

“‘Yong biglang pagdami ng kaso, ito naman po ay dahil sa maigting na surveillance na ginagawa natin sa ngayon,” ani Vergeire.

Sa kabila ng pagdami ng COVID-19 cases, iginiit ni Vergeire na wala pang sapat na katibayan para masabing may community transmission na ng COVID-19 sa bansa.

“The main determinant para masabing may community transmission ka kapag ang mga kaso mo ay hindi na-linked to each other,” paliwanag ng DOH official.

Samantala, ilang mambabatas ang nananawagan na isailalim na ang buong Metro Manila sa lockdown, subalit sa ngayon ay tinanggihan ito ni Pangulong Duterte.

Sinabi ng DOH na magpapatupad ng lockdown kapag nagdeklara ito ng Code Red Alert Sub-Level 2. Sa ngayon ay sub-level 1 pa lang ang alerto sa COVID-19 sa bansa.

Imahe mula sa DOH

Loading…