Bongbong Marcos, positibo sa COVID-19

Imahe mula sa Instagram | Bongbong Marcos
  • Nagpositibo ang dating senador na si Bongbong Marcos sa COVID-19, ayon sa kaniyang spokesperson na si Atty. Victor Rodriguez
  • Bumubuti naman na raw ang pakiramdam niya
  • Pakiusap din niya, manatili ang lahat sa kanilang tahanan bilang tulong na rin sa frontliners

Positibo sa COVID-19 ang dating senador na si Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Imahe mula sa Instagram | Bongbong

Sa pamamagitan ng isang Facebook post ay kinumpirma ito ng kaniyang spokesman na si Atty. Victor Rodriguez. Ngayon daw ay nasa maayos na kalagayan na ito.

“Gumaganda na ang kondisyong pangkalusugan ni dating Sen. Bongbong Marcos makaraang ihayag sa resulta ng clinical test na isinagawa ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na siya’y positibo sa COVID-19,” ani Rodriguez sa isang pahayag.

Ayon kay Bongbong, tumungo siya sa 0spital pagkagaling niya sa Europa noong March 14 dahil nakaramdam na siya ng paninikip ng dibdib.

“Pero umuwi na lang ako kasi sobrang dami ng pasyente noon sa pinuntahan kong 0spital kaya hindi na ako nagpumilit na magpaasikaso upang mabigyan ng tamang atensiyon ang mga pasyenteng nauna sa akin… na maaaring mas masama ang pakiramdam,” aniya.

Imahe mula sa Senate

Simula raw noon ay nag-self quarantine ang dating senador at ng tanging pagkakataon na lumabas siya sa silid ay noong March 22 nang pumunta siya sa emergency room dahil nahirapan siyang huminga. Doon na raw isinagawa ang COVID-19 test  sa kaniya.

Una nang nag-post noon si Bongbong ng larawan kung saan sinabi niyang hinihintay niya ang resulta ng kaniyang COVID-19 test.

“Gaya ng sinabi ng aking kapatid, naging masama ang aking pakiramdam ilang araw na ang nakalipas at dahil doon, ako ay nagpa-test,” aniya.

Hinimok niya rin ang mga kababayan na manatili sa kanilang tahanan bilang tulong na rin sa mga frontliners. “Ako ay umaasa at nananalangin ng kaligtasan at kalusugan ng lahat. Huwag nating sayangin ang sakripisyo ng ating mga health workers at ibang frontliners. Manatili tayo sa ating mga bahay,” aniya.

Loading…