Bring out your notebook: Naranasan mo na bang pumunta sa harap ng blackboard para kopyahin ang aralin?

  • Isa sa mga hindi malilimutang alaala ng mga mag-aaral ay ang pagkopya ng aralin ng kanilang mga guro
  • Ang ilang malalabo ang mata ay kailangan pang pumunta sa harap para lamang makita nang maayos ang nakasulat sa pisara
  • Nagbigay naman ng alaala sa mga netizen ang larawang ibinahagi ng isang Facebook page tungkol sa gawain na ito ng mga estudyante

Maraming alaala ang iniwan sa atin ng eskwela. Mula sa mga pagkakaibigang nabuo, sa mga karunungang naipunla sa ating mga isip, hanggang sa mga maliliit na bagay na hindi mo akalaing mami-miss mo kapag tumanda ka na.

Isa sa mga ito ay ang mga kaganapan tuwing magsusulat tayo ng lecture nina ma’am at sir. Kadalasan ay magpapaskil sila ng visual aids sa harap o magsusulat sa pisara ng mga araling dapat nating kopyahin upang makapasa.

Larawan mula kay Janrey M. Dela Cruz

Pero hindi naman lahat sa atin ay biniyayaan ng matang tulad ng Kuya Kim na tila ‘matanglawin.’ Ang iba sa atin, na sa likod nakaupo dahil minsan ay alphabetically arranged ang seat plan, ay kinakailangang gumawa ng paraan para makakopya ng lecture.

Kaya naman ang diskarte ng ilan ay pupunta sa unahan o sa tapat ng pisara para klarong-klaro sa paningin ang araling kokopyahin. Ang mga kaklase mong tila kinulang sa pagkain ng kalabasa at carrots, madalas ay nakasalampak sa harapan para lamang makakopya.

Ngunit ang karanasang ito ay maituturing na isang magandang alaala para sa mga bata.  Kahit minsan ay masakit sa likod ang pagyuko para lamang makasulat o nakamamanhid ng paa ang pag-upo sa sahig, masaya naman ang mga bata noon na tila nakikipag-bonding rin sa kanilang mga kaklase.

Mayroon pang mga nagpapaunahang matapos noon sa pagsulat. Kaya naman ikaw, gagawin mo ang lahat para mabilis na makopya ang mga babasahin sa iyong harapan. May ilan namang nagpapagandahan ng sulat at siguradong may balak na tumakbong class secretary sa susunod sa botohan ng officers.

Larawan mula sa Pexels

Ito rin ang dahilan kung baki trending sa social media ang post ng Facebook page na Estudyante Pr0blems. Orihinal na larawan ito ni Janrey M. Dela Cruz kung saan makikita ang mga bata sa harapan na matiyagang kumokopya ng aralin mula sa pisara.

Dahil dito, maraming netizens ang na-miss ang kanilang elementary at high school days. Sinariwa din nila ang alaala ng araw-araw na pagsusulat ng lecture kahit nananakit na ang kanilang mga kamay lalo na ang mga galing sa public schools.

Loading…