Carla Abellana, inilahad na isa siyang HR associate bago siya naging Pinoy Rosalinda; cum laude rin noong college

  • Hindi lamang isang pretty face ang Kapuso actress na si Carla Abellana
  • Isang Psychology graduate ang aktres na nagtapos pa bilang cum laude
  • Nagtrabaho rin siya noon bilang preschool teacher at isang HR associate sa opisina

Isa sa mga may pinakamagandang mukha sa showbiz ang Kapuso actress at host na si Carla Abellana. Hindi na nakapagtatakang mahusay siyang umarte dahil ama niya ang beteranong aktor na si Rey PJ Abellana, ina niya si Rea Reyes na dating commercial model at TV actress, at lola naman niya ang nag-iisang si Ms. Delia Razon.

Unang nakilala si Carla ng madla nang bumida siya sa Philippine TV remake ng Mexicanovela na Rosalinda noong 2009. Marami ang namangha at humanga sa napakaamong mukha at personalidad ni Carla. Napamahal din siya sa marami dahil sa kanyang pagiging advocate ng mga hayop lalo na ng mga aso at pusa.

Larawan mula sa Instagram post ni Carla Abellana

Pero bago pa naging isang sikat na celebrity si Carla, inilahad niya na isang simpleng office worker lang siya noon. Nagtapos si Carla bilang cum laude sa degree na Psychology sa De La Salle University (DLSU). Matapos ang kolehiyo, unang tinahak ni Carla ang landas ng pagiging guro. Sinubukan niyang maging preschool teacher.

Sunod siyang nagtrabaho bilang isang HR associate sa isang real estate company. Sa katunayan, ibinahagi nga ni Carla sa kanyang Instagram account ang larawan niya noong siya ay isang office girl. Hindi pa man isang ganap na aktres ay lutang na ang ganda ni Carla sa nasabing larawan.

“Thr0wback to my second job as an HR Associate for Rockwell Land Corporation. My supervisor, Mike, made me sit on our boss’ chair to take a picture. Future HR VP daw ako,” sabi ni Carla sa kanyang post na umani naman ng higit 40,500 likes.

Napakomento naman ang ilang Kapuso artist sa larawang ito ni Carla noong hindi pa siya artista. Ilan sa mga napahanga sa ganda ni Carla ay sina Gladys Reyes, Benjamin Alves, at Lovi Poe.

Larawan mula sa GMA Network

Sa isang episode naman ng profile show na Tunay na Buhay, sinabi ni Carla na pinasok niya ang showbiz dahil sa maraming alok niyang natatanggap. Isa sa mga nagkumbinsi kay Carla na mag-artista ay ang kanyang manager na si Arnold Vegafria.

Nag-audition si Carla sa isang role para sa remake ng serye na Zorro pero sa halip na dito siya ilagay, ibinigay sa kanya ang napakalaking proyekto na remake ng Rosalinda na siya mismo ang bida. At nagtuloy-tuloy na ang magagandang blessings para sa Kapuso actress na ngayon ay sampung taon na sa industriya.

Loading…