Cash gift na P10,000 sa mga senior citizens na aabot sa edad 80 at 90, isinusulong sa Senado

  • Ipinapanukala ngayon ang dagdag na insentibo para sa mga senior citizens
  • Dagdag na P10,000 ang nais ng ilang senador kapag tumungtong ng 80 at 90 anyos ang isang senior citizen
  • Bukod pa ito sa P100,000 insentibo kapag umabot ng 100 taong gulang o naging centenarian ang isang Pinoy

Umiiral na ngayon ang 20 porsiyentong diskuwento para sa mga senior citizens o mga mamamayan nating nasa edad 60 na pataas. Malaking tulong ito sa kanila dahil karaniwan sa ganitong edad ay hindi na nakapagtatrabaho ngunit marami na ring pangangailangang pansarili na dapat tustusan.

Mukhang sa paglipas ng buwan ay mas madaragdagan pa ang benepisyong makukuha ng mga senior citizens. Isinusulong kasi sa Senado ngayon ang pagbibigay ng P10,000 cash incentive para sa mga lolo at lola na aabot ng edad 80 at 90.

Larawan mula sa Valenzuela Government

Sa pangunguna ni Senador Leila de Lima, inihain ang Senate Bill No.1319 na naglalayong magbigay ng P10,000 insentibo para sa mga matatanda na aabot ng edad 80, at karagdagang P10,000 kapag umabot naman sa edad na 90.

Ito ay bukod pa sa umiiral na Republic Act 10868 o ang Centenarians Act of 2016 kung saan nakukuha ang mga Pilipino ng P100,000 kapag sumapit ang kanilang ika-100 nang nagbubuhay pa. Mas matutugunan daw ng dagdag insentibo para sa mga edad 80 at 90 ang kagustuhan ng pamahalaan na tumulong sa mga matatanda.

Ayon kasi sa datos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), maraming matatandang Pilipino na raw ang hindi inaabutan ang insentibong P100,000 dahil namamayapa na ang mga ito. Dagdag pang datos mula sa World Health Organization (WHO), ang life expectancy ng mga Pilipino ay nasa 69.3 years old lamang, mas mababa sa world average na 72 years old.

Kaya naman kung maisasabatas ang Senate Bill No. 1319, maisasakatuparan na ng pamahalaan ang pagbibigay ng ayuda sa mas maraming matatanda. Layunin kasi ng DSWD na makapagbigay ng pera sa 1,000 centenarians taon-taon na hindi naman nila naaabot.

Dagdag pa ni De Lima, kapag naman daw umaabot sa 100 anyos ang isang matanda, hindi na rin niya nagagawang ma-enjoy ang perang nakukuha sa pamahalaan dahil sobrang tanda na ng mga ito.

Larawan mula sa Pexels

“Even more unfortunately, many, if not most, of our centenarians are already too old, sickly, and impaired to properly enjoy the blessings of the Centenarian Law,” pahayag ni De Lima.

Maliban kay De Lima, principal sponsor din ng nasabing panukalang batas ang mga senador na sina Aquilino ‘Koko’ Pimentel III, Juan Miguel Zubiri, at Ramon ‘Bong’ Revilla, Jr.

Loading…