Chemo patient, ibinahagi ang pinagdaanan upang makakuha ng gamot sa gitna ng COVID-19

Imahe mula sa Facebook | Hedel Cruz
  • Sa pamamagitan ng Facebook ay ibinahagi ng isang chemo patient ang mga pinagdaanan niya upang makakuha ng guarantee letter at medikasyon
  • Mula sa biyahe hanggang sa paghihintay upang maasikaso at mabigyan ng gamot ay ikinuwento niya
  • Matapos ang matagal na paghihintay at pakiusap ay nakakuha naman siya ng gamot

Ibinahagi ng isang chemo patient ang kaniyang pinagdaanan upang makakuha ng medikasyon sa gitna ng enhanced community lockdown na ipinatutupad ngayon sa buong Luzon.

Imahe mula sa Facebook | Hedel Cruz

Unang ipinost ni Hedel Cruz ang placard na gagamitin upang makahanap ng masasabayan niya mula Antipolo patungong Quezon City.”Preparing for tomorrow. Tayo-tayo na lang talaga ang magtutulungan. Magtiwala tayo sa kabutihan ng iba sa panahon ng epidemya,” aniya.

“Papuntang QC para sa aking chemo medicines. Makikisakay po! Salamat,” nakalagay sa isang folder.

Kinabukasan ay itinuloy  niya ang pagbabahagi kung paano siya makararating sa kaniyang destinasyon. Ani Hedel, naglakad siya mula Masinag hanggang Sta. Lucia na halos tatlong kilometro ang layo.

Maya maya pa ay umabot na rin siya sa Santolan. “Maraming salamat sa mga nagpaabot ng kagustuhang tumulong. Pero na-traffic at hindi rin nila ako mapuntahan dahil barado ang Marcos Highway,” kuwento niya. Sa puntong iyon, tila nawawalan na siya ng pag-asa na may masasakyan pa at tinanggap nang maglalakad siya hanggang QC.

Makalipas ang ilang oras ay ibinahagi niyang nakarating na siya sa PCSO sa Lung Center sa tulong ng isang “Jay” na may itim na sasakyan. “Salamat kay Jay na nadaanan ako sa may Santolan…Black yung sasakyan niya. Feeli ko siya si Batman,” aniya.

Imahe mula sa Facebook | Hedel Cruz

Ngunit nakarating man ay hindi agad naasikaso si Hedel. Makailang ulit siyang sinabihan ng iba’t ibang tao na walang mag-aasikaso ng kaniyang guarantee letter mula sa PCSO ngunit nanaig kay Hedel ang kagustuhang makainom ng gamot upang mabuhay.

Makailang ulit siyang sinabihan na umuwi na lang dahil walang mag-aasikaso sa kaniya ngunit patuloy siyang nag-antay. Matapos ang maraming paliwanagan at paghihintay dahil walang social worker na mag-iinterview sa kaniya… “Ganoon na lang yun? Tatanggapin ko na lang na wala? Na hindi na ako iinom ng gamot? Para ninyo na rin akong sinabing tanggapin ko na lang kung mamatay ako,” aniya.

Sa huli ay nakakuha rin siya ng guarantee letter at gamot na kaniyang kailangan. “Tagumpay tayo,” sabi niya sa isang post.

Update:  Samantala, ikinalungkot niya na suspendido na ang pagsisilbi ng PCSO.  Sa kanyang panibagong post ay inilahad niya ito.

LOOK: PCSO suspends operations (including medical assistance) yesterday afternoon after I got my Guarantee Letter (March 17) – “until further notice”.
Kung hindi ako nanindigan kahapon, matapos ipagtabuyan / pauwiin nang ilang beses at pumayag na lang na “bumalik” today na walang kasiguruhan, para sa GL na dalawang buwan kong hinintay.
Wala akong choice kundi i-shoulder ang buong presyo ng aking gamot.
Swerte ako, nakakuha ako kahapon ng gamot na tatagal ng isang buwan.
Maraming hindi, at pinauwi na lang.
Sila na higit na mas walang kakayahan, ngayon ay nangangamba sa kanilang kahihinatnan.
Swerte ako, maraming hindi.
Nanindigan ako, marami ang pinauwi.
Nakakadurog.
Ang sakit.

 

Source :

Facebook

Loading…