Chopper sakay si PNP chief Archie Gamboa, bumagsak sa residential area sa Laguna

  • Helicopter na sinasakyan ni PNP chief Archie Gamboa at pitong kasama bumagsak sa residential area sa San Pedro, Laguna
  • Ligtas naman at nagtamo lang ng minor injuries ang walo
  • Nagliyab at nahati sa dalawa ang bumagsak na helicopter

Bumagsak at nagliyab ang helicopter na sinasakyan ni Philippine National Police (PNP) chief P/General Archie Gamboa at pitong iba pa sa isang residential area sa San Pedro, Laguna Huwebes ng umaga, ika-5 ng Marso.

Screenshot mula sa video ng Manila Bulletin

May malay at tila nahihilo si Gen. Gamboa nang kunin mula sa wreckage, Tinanong pa raw niya ang lagay ng ibang kasama sa helicopter bago naisakay sa ambulansya, ayon kay PNP-Highway Patrol Group chief P/Captain Edgar Miguel.

Bukod sa PNP chief, lulan din ng helicopter sina Maj. Gen. Mariel Magaway, PNP Director for Intelligence; Maj. Gen. Jose Maria Ramos, Director for Comptrollership; Brig. Gen. Bernard Banac, PNP spokesperson, dalawang piloto,  at dalawa pang police officers.

Ligtas at nagtamo lang ng minor injuries ang walo , ayon sa pahayag ng PNP Public Information Office.

“May narinig kami na parang sumabit then nakita namin na umikot-ikot ‘yung helicopter. Nakita ko umaapoy na ‘yung chopper,” ani P/Capt. Miguel.

Isinugod sa Westlake Medical Center sa Pacita, San Pedro, Laguna ang PNP chief samantalang ang iba ay sa Southwoods Hospital dinala.

Screenshot mula sa video ng Inquirer

Sinabi ni Lt. Col. Serafin Petalio, provincial director ng Laguna police na nakontrol ng piloto ang helicopter bago iyon tuluyang bumagsak.

“Nakontrol naman ng piloto kasi kung hindi nakontrol ‘yun dun sila sa bangin doon,” aniya.

Bumagsak ang helicopter ilang sandali matapos ang take-off. Sumabit ito sa isang wire. Maalikabok umano ang lugar kung saan iyon nag-take off na nakaapekto sa visibility.

Sa isang panayam, sinabi ng kapitan ng Barangay San Antonio na naganap ang inisdente sa Laperal Compound, isang private proterty na nababakuran ng mga wire. Madalas na raw siyang nagpapaalala sa kapulisan na huwag lapagan ng helicopter ang lugar dahil nga napapaligiran iyon ng mga wire.

Imahe mula sa PNA

Loading…