Community quarantine? Video ng mga magbabarkadang lumibot sa buong bahay ala tourists, trending online

  • Trending sa Facebook ang video ng mga magbabarkda na tunay na travel goals sa panahon ngayon
  • Sa loob lang kasi sila nag-tour pero ginawa nila itong exciting at umaktong nasa isang tourist destination talaga
  • Noong 2018 pa unang in-upload ang video pero viral muli ngayon dahil naka-community quarantine ang Kamaynilaan dahil sa COVID-19

Noong ianunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipatutupad sa buong Metro Manila ang community quarantine, sinabi nito na iwasan munang lumabas ng bahay para makaiwas sa COVID-19. Payo pa ng pangulo, lumibot-libot na lang daw muna sa buong bahay dahil baka may mga lugar pang hindi napupuntahan ang mga naka-community quarantine.

‘Challenge accepted’ naman ang sigaw ng mga magbabarkda sa hamon ng pangulo. Trending ngayon sa Facebook ang video ng magkakaibigang tinaguriang bagong travel goals dahil nag-ala bakasyonista sila sa loob ng isang tahanan.

Larawan mula sa Facebook video ni Rigel Thomas

In-upload ni Rigel Thomas sa kanyang account ang video nila ng kanyang mga barkada noong Marso 2018 pa. Ito raw kasi ang kanilang magsisilbing ‘travel’ para sa darating na summer ng taong iyon. Pero dahil naka-community quarantine ang Kamaynilaan at ibang lalawigan, muling kumalat ang video nila upang magsilbing paalala na puwede namang maglakbay kahit nasa loob ng bahay.

Patok na patok sa mga netizens ngayon ang video dahil akala mo talaga ay nasa isang tourist destination ang magbabarkada mula sa kanilang outfit at pagkuha ng selfie. Mayroon pang umaktong tila naghahabulan sa dalampasigan at nagtatampisaw sa beach.

Kwelang-kwela rin ang kanilang kuha sa iba’t ibang parte ng kanilang bahay kasama ang sala, kuwarto, dining room, at maging ang kanilang banyo ay hindi nakaligtas sa kanilang mga nilibutan. Nakadagdag pa sa feels ang ginamit nilang music mula sa 2017 ABS-CBN summer station ID na “Ikaw ang Sunshine Ko, Isang Pamilya Tayo.”

Dahil sa nakaka-good vibes na konsepto, muling umani ng maraming reactions, shares, at comments ang nasabing video. Kasama na rin dito ang 2.3 million views na naani ng video simula nang ilagay ito sa social media noong 2018. Marami na ring Facebook pages ang nag-reupload ng nasabing video.

Larawan mula sa Facebook video ni Rigel Thomas

Maraming magbabarkada, magdyowa, at magpapamilya ang nakakuha ng magandang ideya sa ‘travel’ ng barkada ni Rigel. Sabi nila, ang video raw ang patunay na kayang-kaya nating sundin ang utos ng pangulo na tuklasin muna ang mga bagay-bagay sa loob ng ating mga tahanan.

Pahayag naman ng ilang nakanood, malaki ang pasasalamat nila sa uploader ng video dahil nakangiti raw sila habang pinanonood ito. Malaking tulong daw ang ganitong pakwela na videos upang maalis kahit papaano ang pangamba ng mga tao dahil sa COVID-19.

Panoorin ang kakaibang ‘travel goals’ na ito ng magkakaibigan sa loob ng bahay:

Iclick ang imahe para sa video

Loading…