Construction worker naglakad ng limang araw mula Alabang hanggang Bicol dahil sa lockdown

  • Construction worker limang araw naglakad mula Alabang hanggang sa Bicol
  • Umalis si Marlon Dalipe sa Parañaque matapos magdeklara ng community quarantine sa buong Maynila
  • Nasa Quezon province na siya nang ideklara ni Pangulong Duterte ang enhanced community quarantine sa buong Luzon

Limang araw naglakad si Marlon Dalipe mula sa Alabang sa Muntinlupa City hanggang sa Bicol – sa Zone 3 Del Gallego, Camarines Sur – matapos takasan ang ipinatupad na community quarantine sa Metro Manila.

Screenshot mula sa video ni Belle Jasa

Isa siya sa maraming mamamayan na lumabas ng Metro Manila nang unang isailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte ang buong Kamaynilaan sa community quarantine na nagsimula noong hatinggabi ng March 15.

Nagtatrabaho siya bilang construction boy sa Parañaque City noong ideklara ang Metro Manila-wide quarantine. Aniya, natakot siya na maipit sa Metro Manila kaya nagpasyang umuwi na lang sa Bicol dala ang P500 sa kanyang pitaka.

Wala na siyang inabutang bus na biyaheng Bicol pagdating sa Alabang, hatinggabi ng March 15; kaya nagpasya siyang maglakad na lang.

Hindi pa sumisikat ang araw nang makarating siya sa Batangas kung saan may mga nakasabay siya na naglakakad din pauwi sa kanilang mga bayan. Mayroong taga-Quezon, Masbate at mayroon ding sa Mindanao pa uuwi.

Aniya, hindi na sila halos nagpapahinga. Sa mga waiting sheds na lang sila umiidlip nang sandali.

Screenshot mula sa video ni Belle Jasa

Naging mas mahirap ang ikalawang araw ng paglalakbay nila Marlon dahil itinaas na ang Metro Manila community quarantine sa Luzon-wide enhanced community quarantine. Nagkaroon na ng mga checkpoints sa bawat bayan. Nasa Quezon province na sila noon.

“Pagdating namin ng Tiaong, nahirapan kaming makalabas ng checkpoint ng Tiaong dahil border ng Quezon. Nakiusap na kami sa mga pulis na nagbabantay doon, ‘kami po talaga ay uuwi lamang’,” aniya.

Matapos ang limang araw ay narating ni Marlon ang bayan ng Tagkawayan, ang hangganan ng Quezon at Camarines Sur. Dito niya nakilala si Zenia Banagan na nagpakain sa kanya dahil sa awa sa hirap na pinagdaanan niya.

Sa kabila ng sobrang pagod at sakit ng paa ay ligtas na nakarating si Marlon sa kanilang tahanan.

“Nakahinga nang maluwag…masakit ang paa ko,” aniya.

Sabi pa ni Marlon, sa oras na matapos ang enhanced community quarantine ay babalik siya sa Maynila upang magtrabaho. Mahirap daw ang buhay nila sa Bicol.

Loading…