Curfew sa buong Metro Manila, ipinatutupad; inirerekomenda ang pagsasara ng mga malls

  • Upang maagapan ang paglalâ ng sitwasyon, ipinatutupad na ang curfew sa Metro Manila
  • Magsisimula ito ng 8:00 ng gabi hanggang 5:00 ng umaga kasabay ng lockdown mula Marso 15 hanggang Abril 14
  • Gayunman, nilinaw na may mga exceptions sa pagpapatupad nito

Sa press conference nitong Sabado, Marso 14, 2020 na inilunsad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pangunguna ni MMDA Chairman Danilo Lim ay  inianunsiyo ang hinggil sa pagpapatupad ng curfew sa buong rehiyon ng Metro Manila.

Imahe mula sa MMDA Facebook page

Ang curfew ay magsisimula ng 8:00 ng gabi hanggang 5:00 ng umaga kasabay ng lockdown mula Marso 15 hanggang Abril 14.

Ang curfew ay napagkasunduang ipatupad ng mga local government unit (LGU) ng Metro Manila sa pangunguna ng 17 mayors sa rehiyon.

Nilinaw naman ng MMDA General Manager Jojo Garcia na ang pagpapatupad nito ay para mabawasan ang mga “non-essential travel” tulad ng paggimik o pag-aaliw tuwing hatinggabi.

May mga exceptions din sa curfew tulad ng mga manggagaling sa trabaho o bibili ng pagkain, o kung kailangang pumunta sa ospital.

Hinikayat din nila ang mga mamamayan na magkusa sa pag-self-quarantine at huwag munang lumabas ng bahay upang maiwasan ang pagkalat ng virus.

Walang work suspension ngunit hinihikayat nila ang mga employers na maglimita ng mga gawain sa trabaho o ipahintulot ang work from home scheme, kung applicable.

Asahan din ang maramihang checkpoints sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.

Ang mga trabahador na manggagaling sa mga probinsiya na papasok sa Metro Manila ay kailangang magpakita ng mga patunay na sila ay mga empleyado, tulad ng ID.

Pinaaalalahanan din ang mga estudyante na pumirmi muna sa kanilang mga bahay at hangga’t maaari ay huwag nang lumabas pa at mamasyal.

Inirerekomenda rin ang pagsasara ng mga shopping malls ngunit hindi ang mga grocery story, pharmacy store, ospital, at bangko.

Asahan din ang paglalabas ng mga memo hinggil sa pampublikong transportasyon.

May nagmungkahi rin ng maagang pamimigay ng 13th month pay sa mga manggagawa para makatulong sa mga gastusin ng bawat pamilya.

Imahe mula sa Facebook page ng MMDA

Hinihikayat ang kooperasyon ng lahat at huwag nang masamain ang desisyong ito ng pamahalaan nang sa gayon ay huwag nang umabot pa ito sa mas malalang kalagayan, tulad ng nangyayari sa Italy.

Huwag din umanong mabahala sa suplay ng pagkain dahil hindi raw ito kukulangin.

Source :

Facebook

Loading…