Dahil lumalangoy noon sa tubig baha, Angeline Quinto binuksan ang swimming pool sa bahay para sa ilang bata

Imahe mula sa video ni Angeline Quinto via YouTube
  • Inimbitahan ni Angeline Quinto ang limang bata sa kaniyang bahay upang mag-swimming sa kaniyang pool
  • Kuwento niya, lumalangoy siya noon sa tubig baha kaya nais niyang iparanas sa mga kapos sa buhay ang pakiramdam na lumangoy sa swimming pool
  • Ipinaghanda rin niya ang mga bata ng pagkain at pinabaunan pa ng groceries

Aminadong lumalangoy sa tubig baha noon, nais ni Angeline Quinton a iparanas sa mga batang kapos sa buhay ang pakiramdam na makapag-swimming sa isang pool.

Imahe mula sa video ni Angeline Quinto via YouTube

Nag-ikot si Angeline sa Commonwealth upang maghanap ng mga batang maisasama sa kaniyang bahay upang mag-swimming.

“Sana ay makaipon tayo ng mga bagets. ‘Wag naman sana akong pagkamalang nangunguha ng bata na puting van kasi puti yung van,” biro niya sa isang vlog na ibinahagi niya sa kaniyang YouTube channel.

Nang nasa biyahe na patungo sa bahay ng Kapamilya singer ay hindi maikubli ng limang bata ang pagkagalak. Nang tanungin kung bakit sila excited, sinabi ng isang bata na tatlong araw na raw kasi siyang hindi nakaliligo.

Habang abala na sa paglangoy ang mga inimbitahang bata ay dito na ikinuwento ni Angeline kung gaano na niya katagal gustong gawin ito.

Imahe mula sa video ni Angeline Quinto via YouTube

“Matagal ko nang plano ito…kapag nakakita ako ng mga bata sa kalsada, ginagawa nilang swimming pool kung ano man yung mga tubig, kahit madumi, dun sila naliligo,” aniya.

“Alam ninyo, sa totoo lang, hindi ko naman kailangang ikahiya pero dati kasi noong bata ako, naranasan ko ring maligo sa baha dahil mahilig akong mag-swimming. Pag baha sa kanto namin, dun kami nagtatalunan ng mga kaibigan ko.”

Nagsalu-salo rin ang mga bata sa inihandang spaghetti at fried chicken para sa kanila. Hanggang sa pag-uwi ay may pabaon din na grocery si Angeline.

“Hindi ko alam bakit parang gustung gusto ko talaga na kahit paano maliit man o malaki e makapagpasaya rin ng ibang tao. ‘Yun ‘yung isa sa mga paraan ko para mas maging masayang masaya ako,” saad niya.

Source :

YouTube

Loading…