Dalawang taong gulang na batang pinagagalitan dahil inaway ang kapatid: “Tulog ako!”

  • Trending sa Facebook ang video ng isang batang nagtulug-tulugan habang kinagagalitan
  • Inaway kasi ng dalawang taong gulang na bata ang kapatid niya pero nakahanap ng palusot ang bata
  • Sabi niya sa kausap niya, tulog daw siya kahit halata namang gising ito

Normal na sa isang bata ang pagiging makulit. Sa murang edad nila, nakagagawa sila ng mga bagay na nakapagpapakamot na lamang sa ulo ng mga nakatatanda. Pero aminin man natin o hindi, kung minsan, ang kapilyuhan ng mga chikiting ay nakapagbibigay din ng aliw at ligaya sa atin.

Isang patunay nito ang trending na video ng isang batang pinagagalitan ng kanyang ama dahil sa pang-aaway nito sa kapatid. Kahit na dalawang taon pa lang ang bata, marunong na itong humanap ng palusot at makaiwas sa galit ng kanyang mga magulang.

Larawan mula sa Facebook post ni Shaira Nichole Duque

In-upload ni Shaira Nichole Duque sa kanyang Facebook account ang halos isang minutong video ng dalawang taong gulang na si Szack. Pinagagalitan si Szack dahil sa kanyang pang-aaway sa kanyang kuya. At para makalusot sa sermon ng ama, agad na nagtulug-tulugan ang bata pero panay naman ang sagot sa kumakausap sa kanya.

Habang sinasabihan si Szack na hindi wasto ang pang-aaway, nakapikit lamang ang mga mata nito at aktong naghihilik pa minsan. Sumasagot pa siya sa kanyang ama na “tulog ako” kapag sinasabihan. At nang kukunin na ang pamalo, biglang nagising si Szack.

Ngumiti na ang bata at biglang nag-sorry para sa kanyang nagawa; pati ang mga tao sa kanyang paligid, kabilang si Shaira na nagvi-video sa kanya. Ayon sa kanila, pily0 raw ang bata at sa murang edad ay marunong nang mangatuwiran.

“Sinong napagalitan? Biglang natulog eh. Pasaway kang bata ka ha? Labas tiyan pa si manong. Two years old pa lang kung makasagot kala mo 32,” sabi ni Shaira sa kanyang trending post.

Larawan mula sa Facebook post ni Shaira Nichole Duque

Habang isinusulat ang istoryang ito, mayroo nang higit 530,000 views ang video ni Szack. Umabot na rin sa 48,000 reactions na karamihan ay ‘haha,’ 12,000 comments, at 30,000 shares ang nakuha ng video ng napaka-cute na bagets.

Maraming netizens naman na nasa kani-kanilang bahay ngayon ang na-good vibes sa video na ito. Naka-relate daw sila dahil noong bata sila, hilig din daw nila ang magtulog-tulugan lalo na kung mayroong nagawang hindi maganda.

Panoorin ang video ni Szack habang nagdadahilan nang mapagalitan:

Loading…