DILG nagbabala tungkol sa hindi pagsunod ng ilang alkalde sa panuntunan ng enhanced community quarantine

  • Nagbabala ang DILG sa ilang mga alkalde tungkol sa kung ano ang puwede nilang kaharapin kapag napatunayan na hindi nito sinusunod ang mga panuntunan ng enhanced community quarantine
  • Ayon sa Interior Department spokesperson na si Jonathan Malaya, maaaring mapatawan ng gross negligence o kaya naman insubordination charges ang mga alkalde
  • Nakiusap rin ito sa mga Mayor at barangay officials na sumunod na lang para hindi na sila umabot pa sa punto ng pagsasampa ng kas0

Mariing nagbabala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga Mayor at barangay officials tungkol sa di nila pagsunod sa mga panuntunan sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine sa Luzon.

Imahe mula sa DILG | Facebook

Nangyari ito matapos subukang makiusap ni Pasig City Mayor Vico Sotto sa national government na payagang pansamantalang makabiyahe ang mga drayber ng tricycle na siyang nakikita nilang puwedeng maghatid ng mga pasyente at iba pang emergency cases sa kani-kanilang destinasyon.

Iginiit ni Interior Department spokesperson na si Jonathan Malaya na maaaring mapatawan ng gross negligence o kaya naman ay insubordination charges ang mga namumuno kung mapatunayan na hindi sila sumusunod sa utos ng national government.

Nakiusap rin ito sa mga Mayor at barangay officials na sumunod na lang para hindi na sila umabot pa sa punto ng pagsasampa ng kas0.

“Nakikiusap kami sa mayors at barangay officials na huwag na sana tayo makarating sa punto na magsasampa pa ang DILG ng kas0,” sabi ni Malaya sa briefing ng Laging Handa, ayon na rin sa ulat ng CNN Philippines.

“Ang hindi ko maintindihan, kung nagagawan ng paraan ng ibang LGU na makagawa ng sistema ng paghahatid ng health workers, bakit hindi magawa ng Pasig? Pasensya na po, Mayor, hindi po namin kayo pwede pagbigyan. If we give an exemption, it defeats the purpose of a quarantine,” sabi pa nito.

Imahe mula sa DILG | Facebook

Hinimok rin ni Malaya si Sotto na sumubok na lamang ng ibang paraan tulad umano ng ginagawa ng ibang local government units o LGU.

“Ito ay hindi lang naman ito ay utos ng Pangulo, ito po ay para sa kapakanan ng inyong constituents. Sana ay gawin natin ito as part of public service. Dito masusubukan ang galing ng ating local government officials,” sabi pa ni Malaya.

Panoorin ang naging panayam ng media kay Mayor Vico sa ibaba:

Loading…