DILG nilinaw na hindi kailangan ng voter’s ID para makatanggap ng ayuda at relief goods mula sa LGUs

  • Iginiit ng DILG na hindi kailangan ng voter’s ID ng mga Pilipino para mabigyan ng relief goods
  • Kailangan daw na lahat ng pamilya ay mabigyan ng tulong ng LGUs, botante man o hindi
  • Kailangan din daw na aabot ng tatlong araw ang ipamimigay na relief goods sa kanilang mamamayan

Sa panahon ng sakuna, isa sa dapat na maasahan ng mga Pilipino ay ang kani-kanilang local government officials, kabilang ang mga mayor at barangay chairman. Ngayong malawakan ang kinahaharap na sulinaranin ng bansa, marapat lamang na gampanan ng mga LGU ang kanilang tungkulin sa kanilang mga nasasakupan.

Ngunit sa panahon ng enhanced community quarantine (ECQ), tila hindi maiwasan ng ilang local officials na haluan ng politika ang pamamahagi ng tulong sa mga mamamayang hindi makabili ng pagkain dahil sa malawakang lockdown na ipinatutupad ng national government.

Larawan mula sa PNA

Dahil dito, nagbabala ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga LGU na nanghihingi umano ng voter’s ID bago mabigyan ng ayuda ang kanilang constituents. Sa isang pahayag, igiinit ng DILG na bawal manghingi ng voter’s ID kapalit ng relief goods dahil hindi raw panahon ng pangangampanya at buhatan ng partido ngayon.

“Bawal po iyan… Panahon ngayon ng tulong, panahon ng magandang pamamahala, at hindi panahon ng politika ngayon,” pahayag ni DILG Spokesman at Undersecretary na si Jonathan Malaya sa isang press briefing.

Iginiit din ni Malaya na ang ipinamimigay na relief goods ng bawat barangay official ay tatagal ng tatlo hanggang apat na araw, at sasapat sa isang buong pamilya at hindi pang isang tao lamang. Ito raw ay upang maiwasan ang paglabas-labas ng mga mamamayan na sa panahon ng ECQ.

“Hindi po iyan pang-isang tao… pambahay po iyan. I-identify kung ilang household meron diyan,” dagdag pa ni Malaya.

Larawan mula sa PNA

Kasabay nito, sinabi rin ni Malaya na ang mga quarantine pass na ibinibigay ng mga barangay sa kanilang mga mamamayan ay libre at hindi ipinagbibili. Kailangan din na mayroong quarantine pass ang bawat pamilya dahil kailangan nila ito para sa kanilang pansariling kapakanan.

Hinihikayat din ng DILG na isuplong ang kanilang mga local leaders na lumalabag sa itinakdang regulasyon ng kanilang ahensiya patungkol sa paghawak ng sitwasyon sa bawat barangay. Maaari daw tumawag sa DILG emergency operations center hotline na 0927-422-6300 o 0961-772-1668.

Loading…