Duwende na sinasabing nagbibigay-swerte sa isang restobar, nakunan ng CCTV?

  • Duwende nakunan ng CCTV sa isang restobar?
  • Naniniwala ang may-ari ng restobar na isang duwende ang nagbubibigay ng swerte sa negosyo niya
  • May iba namang opinion ang isang video expert tungkol sa bagay na nakunan ng CCTV

Maganda ang takbo ng negosyo ng isang restobar sa Sipocot, Camarines Sur. Palagi iyong puno ng mga customers. Ito ay dahil daw sa isang “nagbabantay” nito na nagbibigay ng swerte.

Ang “bantay” ay isa raw puting duwende.

Screenshot mula sa video ng KMJS

Ayon sa may-ari ng restobar na si Arbie Guerrero Delos Santos, may mga naririnig silang usap-usapan na mayroon nga raw duwende doon tulad ng sinasabi ng ilan na may naramdaman o naranasan silang kakatwa sa lugar.

Isang waiter doon, si Erron Jay Regilme, ay paminsan-minsang nakaririnig ng matinis na pagtawa. Sinabi naman ng security guard na si Peter Glenn Cielos na pinaglaruan ng duwende ang two-way radio niya.

May mga customers din ang nagpapatotoo na may kakaiba silang nararamdaman sa restobar, lalo na sa palikuran nito. May ilang psychic din ang nagsabi na may dwende ngang nagbabantay kaya maganda ang takbo ng negosyo ng restobar.

Isang gabi, nagkaroon ng gulo doon dahil sa mga lasing na customers na lubos na nakaapekto sa negosyo at kinailangan iyong isara. Nagpasya si Delos Santos na komunsulta sa taong may kakayahang makipag-usap sa mga duwende. Posible raw na nabulabog ang duwende dahil sa gulong nangyari at nagalit.

Screenshot mula sa video ng KMJS

Pinakiusapan umano nila ang duwende na sana ay ibalik ang sigla ng restobar. Pinagawan pa ni Delos Santos ng isang playground ang duwende. Tila epektibo ang ginawa nila dahil muling sumigla ang negosyo.

At upang hindi na maulit ang gulo ay naglagay na sila ng taong regular na magbabantay at nagkabit din ng CCTV.

Isang linggo matapos ikabit ang CCTV ay may nakunan itong kakaiba. – isang munting nilalang na naglalakad-lakad sa loob ng restobar kapag sarado na ito. Iyon daw ang kaibigan nilang duwende.

Screenshot mula sa video ng KMJS

Nagtungo ang team ng “Kapuso Mo, Jessica Soho” (KMJS) sa restobar at nag-abang kung saan nakita ang duwende. Mayroon ngang nahagip ang CCTV na ikinabit nila, pero ayon sa CCTV operator ay insekto lang iyon.

Ipinasuri ng KMJS ang kuha ng CTV sa isang video expert na nagsabing hindi tampered o edited ang mga video, pero sa tingin niya ay agiw lang sa harap ng camera ang sinasabing duwende.

Ayon sa may-ari ng restobar na si Delos Santos, posibleng agiw nga iyon, pero posible rin na iyon ay isang duwende.

Ano sa tingin mo?

Loading…