EDSA parang disyerto sa luwag sa unang araw ng community quarantine

  • EDSA, nagmistulang disyerto sa luwag sa unang araw ng community quarantine sa Metro Manila
  • Dati-rati ay parang malaking parking lot ang EDSA dahil sa mabagal na usad ng libo-libong sasakyan na dumaraan doon
  • Ang community quarantine sa Metro Manila ay tatagal hanggang April 14, 2020

Sinimulan na nitong araw ng Linggo, ika-15 ng Marso ang community quarantine sa buong Metro Manila kung saan may mga restriksyong ipatutupad sa pagpasok at paglabas ng mga tao sa rehiyon sa layuning mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Imahe mula sa NCRPO

Lahat ng entry points ng Metro Manila ay nilagyan ng mga check points na binabantayan ng mga pulis upang matiyak na hindi malalabag ang mga guidelines na inilabas ng pamahalaan para sa maayos na implementasyon ng community quarantine.

Kapansin-pansin sa EDSA, isa sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila, ang madalang na mga sasakyan sa kabila ng pagsuspinde ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa number coding scheme para sa lahat ng pampubliko at pribadong sasakyan.

Ang EDSA na dati-rati ay parang isang malaking parking lot dahil sa napakabagal na usad ng libo-libong sasakyang dumaraan dito ay nagmistulang disyerto sa luwag sa unang araw ng community quarantine.

Tatagal ang quarantine sa buong Metro Manila ng tatlumpung araw o hanggang ika-14 ng Abril 2020.

Imahe mula sa Twitter

Bukod sa community quarantine ay mahigpit ding ipatutupad ang social distancing sa mga pampublikong sasakyan. Ayon sa Department of Transportation, magkakaroon na ng limitasyon sa mga pasaherong maaaring isakay ng mga mass public transport. Hanggang 25 na pasahero lang ang maaaring isakay ng mga bus kabilang na ang driver at konduktor.

Ipatutupad ang one-seat apart policy upang magkaroon ng sapat na distansya ang bawat pasahero.

Ayon sa MMDA, magtatalaga ito ng mga constable sa lahat ng loading and unloading area sa kahabaan ng EDSA upang alamin  kung sumusunod ang mga bus sa ipinatutupad na patakaran.

Screenshot mula sa video ng Manila Bulletin

“In every loading and unloading area, especially in EDSA and major thoroughfares, we will have traffic constables on standby so that we will be able to check city buses that are overloaded,” sabi ni Celine Pialago, ang spokesperson ng MMDA.

Aniya, siguradong makadadagdag sa oras ng biyahe ang gagawing pag-check sa mga public utiliy bus kaya hinikayat niya ang mga ito na sundin na lang ang guidelines para maiwasan na magkaroon ng delay.

Screenshot mula sa video ng Abante Digital

Loading…