Epekto ng ECQ: Isang pamilyang suot ang iconic Pacman mask, ginaya ang TikTok ng Pacquiao siblings

  • Trending sa Facebook ang video ng parody ng TikTok entry ng magkakapatid na Pacquiao
  • Ginaya ng isang pamilyang nasa ECQ ang TikTok video ng Pacquiao siblings suot pa ang kanilang ‘Pacman masks’
  • Nagbigay naman ito ng ngiti sa mga Pilipinong nakapirmi din sa bahay dahil sa ECQ

Maraming Pilipino ngayon ang halos hindi malaman ang gagawin dahil sa enhanced community quarantine (ECQ) na ipinatutupad sa buong bansa. Marami ang buryong-buryo na sa loob ng bahay at hindi alam kung paano gugugulin ang kanilang mga sobrang oras.

Kanya-kanyang pampalipas oras ang bawat pamilya. Siyempre, hindi mawawala ang mga TikTokers na lalo pa ngang dumami ngayong naka-ECQ ang marami sa atin. At isang TikTok parody video ngayon ang trending sa social media dahil sa pagkamalikhain ng mga tampok dito.

Larawan mula sa Facebook video ni Kurt Michael Ulanghutan

In-upload ni Kurt Michael Ulanghutan sa kanyang Facebook account ang parody nilang pamilya sa TikTok video ng magkakapatid na Michael, Jimuel, Mary, at Queenie Pacquiao. Para mas maging ‘kamukha’ ang TikTok video ng Pacquiao siblings, nagsuot pa ang pamilya ni Kurt ng mask na mayroong imprentang bibig ng pambansang kamao at senador na si Manny Pacquiao.

Effort ang pamilya ni Kurt sa paggaya sa video ng mga anak ni Manny. May ilang naglagay pa ng kungwaring buhok upang ma-achieve ang hitsura nina Mary at Queenie. Pati ang paglabas at pagpasok ng magkakapatid sa video ay talaga namang kuhang-kuha nina Kurt. Pansin na pansin ito dahil sa split screen effect na ginawa nila sa video kung saan makikita sa kanang bahagi ang orihinal na video ng magkakapatid na Pacquiao.

Agad na umani ng maraming reactions at shares ang video na ito ng pamilya ni Kurt. Maraming netizens na inip na inip na rin sa kanilang mga bahay ang napangiti ng parody video na ito. Umabot lang naman sa 60,000 reactions na karamihan ay ‘haha,’ 11,000 comments, at 41,000 shares ang nakuha ng TikTok entry na ito.

Larawan mula sa Facebook video ni Kurt Michael Ulanghutan

Nilinaw naman ni Kurt sa kanyang komento na ginawa nila ang video upang maaliw ang sarili habang nasa kani-kanilang mga bahay ngayong panahon ng ECQ. Hindi raw nila ito ginawa upang pagtawanan ang pamilya Pacquiao na kanila ring kababayan at idolo.

Matatandaang bago ang parody video nina Kurt, una nang nag-trending ang video ng magkakapatid na Pacquiao dahil marami ang naaliw sa kanilang magandang samahan. Marami din ang nakapansin na sobrang magkakamukha ang magkakapatid at kuhang-kuha ang looks ng kanilang amang si Senador Manny.

Panoorin ang video nina Kurt na gayang-gaya ang Pacquiao siblings:

Loading…