Estudyante, binilang ang salitang “ano” at “tapos” na sinambit ng kaklaseng nag-uulat

  • Inilista ng isang estudyante kung ilang beses nagsambit ng mga salitang “ano” at “tapos” ang kaniyang kaklase
  • Nag–uulat kasi ito sa harap ng kanilang klase
  • Nagbigay naman ng komento rito ang mga netizens lalo na ang mga naka–relate

Ang pag–uulat ay isa sa mga teknik na ipinagagawa ng isang guro o propesor sa kaniyang mga estudyante upang matuto ang mga ito na humarap, magpaliwanag, at maglahad ng mga impormasyon sa harap ng klase. Hinahasa nito ang kasanayan sa pagsasalita at pagtitiwala sa sarili.

Kaya naman, nagbunsod ng katatawanan ang Facebook post ng isang estudyante na nagngangalang “Roselyn” matapos niyang ibahagi ang kaniyang kaklaseng nag–uulat sa harap ng klase, sa hindi kinilalang paaralan. Imbes kasi na makinig nang mabuti, inililista ng estudyante ang mga salitang “tapos” at “ano” na sinasambit ng tagapag–ulat.

Imahe mula sa Facebook account ni Roselyn Belle

“Yung nagrereport yung kaklase mo tapos ano…” ayon sa caption.

Ipinakita ng estudyante ang kuha niyang larawan ng kaniyang kaklaseng babae na inilalahad ang kaniyang ulat sa pamamagitan ng visual aids na manila paper. Ipinakita rin niya ang kaniyang pagtatantos: sa kabuuan, 14 na beses sinambit ng kaniyang kaklase ang salitang “ano” at 12 beses naman ang salitang “tapos”.

Umani naman ito ng iba’t ibang komento mula sa mga netizens.

“Hala, ganiyan din ako minsan… kapag hindi ko na alam ang sasabihin ko, ano o tapos na lang ang ipinapalit ko. Lahat naman yata nagdaan sa ganiyan. Lahat guilty diyan… aminin!” sabi ng isa.

Pagbabahagi naman ng isa, “Naalala ko noong high school ako. Sa asignatura naming Filipino, bawal magsabi ng mga salitang ‘ano’, ‘tapos’ at ‘bale’. May tagapaglista sa amin, tapos pinagmumulta kami ng piso sa bawat salitang masasambit na ganoon. Those were the days”.

“Nabansagan nga akong ‘Miss Ano’ dahil nauutal talaga ako sa pagsasalita noon sa klase. Kapag hindi ko na alam ang sasabihin ko, sinasabi ko na lang ang ano,” turan naman ng isa.

Guilty ka rin ba sa ganitong pagsasambit ng ‘ano’ at ‘tapos’ sa pagpapahayag?

Source :

Facebook

Loading…