Ex-DOJ Sec. Aguirre idinawit ni Mon Tulfo sa “Pastillas” bribery scheme, paratang itinanggi ng dating kalihim

  • Dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre idinawit ni Mon Tulfo sa “Pastillas” bribery scheme
  • Ang whistleblower na si Allison Chiong ang umano’y nagsabi nito kay Tulfo
  • Pinabulaanan ni Aguirre ang paratang ni Tulfo na siya ang protektor ng “Pastillas” syndicate

Idinawit ng veteran journalist na si Mon Tulfo ang dating Justice Secretary na si Vitaliano Aguirre sa “Pastillas” bribery scheme na kinasangkutan ng mga opisyal at kawani ng Bureau of Immigration na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Imahe mula sa The Filipino Times

Sa pagdinig na ginawa ni Senator Risa Hontiveros kaugnay ng mga Chinese POGO workers na sangkot sa mga ilegal na aktibidad, sinabi ni Tulfo na si Aguirre ang protektor ng “Pastillas” syndicate.

Ayon kay Sen. Hontiveros, nag-post sa social media si Tulfo ng larawan ng mag-amang Maynardo at Red Mariñas. Tinawag umano ni Tulfo si Maynardo bilang “the syndicate godfather” at si Red ay “The syndicate heir.”

“Ano po ibig n’yong sabihin dito?” tanong ng senadora kay Tulfo.

“Mag-ama po sila, eh. Ewan ko kung bakit wala dito ‘yung protector nila, si former secretary Aguirre,” sagot ni Tulfo.

Ayon kay Tulfo, ang whistleblower na si immgration officer Allison Chiong ang nagsabi sa kanya na si Aguirre ang protector ng mag-amang Mariñas.

Si Red Mariñas ay dating hepe ng Ports Operation Division samantalang ang amang si Maynardo ay namuno sa Special Operations Communications Unit ng Bureau of Immigration. Si Aguirre umano ang naglagay sa puwesto sa mag-ama.

Screenshot mula sa video ng News5

Mariing pinabulaanan ni Aguirre ang paratang ni Tulfo. Aniya, susulatan niya si Sen. Hontiveros upang maimbitahan siya sa mga susunod pang  Senate hearing nang sa gayon ay masabi niya nang harapan kay Tulfo na isa itong sinungaling.

“I will again file new cases against Tulfo. Kahit saan, I could face anybody for I am completely innocent of his charges,” pahayag ni Aguirre.

Loading…