Experimental COVID-19 vaccine, naiturok na sa unang test patient; inaasahang ito na ang lunas sa karamdaman

  • Naiturok na sa unang test patient ang experimental COVID-19 vaccine na gawa sa Seattle, USA
  • Isang operations manager ng isang tech company ang unang naturukan ng inaasahang sagot sa pandemic na COVID-19
  • Maliban sa eksperimentong vaccine na ito, marami na ring mga siyentipiko sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang humahanap ng lunas para sa COVID-19

Naaalarma ang buong mundo ngayon dahil sa pagkalat ng COVID-19. Idineklara na nga ito ng World Health Organization bilang isang pandemic, o isang karamdamang hindi na mapigilan ang pagdami ng kaso sa buong mundo.

Hindi naman tumitigil ang mga eksperto sa paghahanap ng lunas para sa COVID-19. Sa katunayan, ang mga siyentipiko mula sa Kaiser Permanente Washington Research Institute sa Seattle, USA ay mayroon nang tinatawag na experimental COVID-19 vaccine. At kasunod nito, agad nilang sinubukan ang testing ng bakuna sa isang volunteer mula rin sa bansang US.

Larawan mula sa YouTube

Ayon sa ulat ng TIME, noong Marso 16, US time, ay naiturok na sa unang test patient na si Jennifer Haller, 43, ang posibleng lunas sa COVID-19 na nalikha ng mga siyentipiko mula sa Amerika. Isang operations manager si Haller sa isang maliit na technology company sa Seattle. Nanay din siya ng dalawang teenagers na suportado raw ang kanyang partisipasyon sa ginagawang pag-aaral para sa vaccine.

“I was the first, it’s unbelievable! Really excited about that, and… It was easy… It was like a flu sh0t… It didn’t hurt, I was happy about that… To become a part of this trial for the vaccine, I was privileged to do that. I hope we get to working vaccine quickly and that we can save lives…” pahayag ni Haller sa Associated Press (AP).

Dagdag pa sa ulat ng TIME,  maliban kay Haller ay mayroong pang ilang volunteers ang sumunod sa kanya. Tatakbo raw kasi ang pag-aaral sa mga nasabing naturukan ng bakuna sa loob ng dalawang buwan. Muli raw silang tuturukan ng vaccine matapos ang isang buwan.

Kung magtatagumpay man daw ang vaccine, hindi pa ito agad maipamamahagi sa publiko dahil kailangan daw nitong dumaan sa 12 hanggang 18 taong pag-aaral, ayon kay Dr. Anthony Fauci ng US National Institutes for Health. Kailangan din daw kasing masigurong talagang ligtas ang bakuna at walang negatibong side effect sa mga taong gagamit nito.

Larawan mula sa Pexels

Gayunman, ang patuloy na paghahanap ng lunas ng mga eksperto para makontra ang COVID-19, kabilang ang isinagawang test vaccine, ay isa nang malaking hakbang upang masugpo ang nasabing virus. Maliban sa potential vaccine na nalikha sa Seattle, may ilan na ring nililikha ang mga siyentipiko sa buong mundo.

Isa sa mga ito ang code-named na mRNA-1273 na binuo naman ng NIH at Moderna Inc.; isang biotechnology company sa Massachusetts. May candidate vaccine na rin mula sa Inovio Pharmaceuticals na uumpisahan ang pag-aaral sa mga susunod na araw.

Panoorin ang isinagawang pag-vaccine kay Haller para sa potensyal na lunas sa COVID-19:

Source :

TIME, Yahoo

Loading…