Finance undersecretary na si Bayani Agbayani? Solon humingi ng paumanhin sa pagkakamali

  • Ang pangalan ng komedyanteng si Bayani Agbayani ang nabanggit ng mambabatas bilang Finance undersecretary
  • Ang Finance undersecretary ay si Bayani Agabin
  • Humingi ng paumanhin si Rep. Mike Defensor sa pagkakamali

Good vibes ang hatid ni Anakkalusugan Partylist Representative Mike Defensor matapos niyang mabanggit ang pangalan ng popular na komedyanteng si Bayani Agbayani sa halip na pangalan ni Department of Finance Undersecretary Bayani Agabin.

Imahe mula kay Rep. Mike Defensor

Dahil sa pagkakamali ni Rep. Defensor ay nag-trending sa social media ang pangalan ng komedyante.

Nangyari ang pagkakamali sa session ng House of Representatives kung saan tinalakay ang pagbibigay ng emergency powers kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa pagtugon sa health crisis sa bansa.

Ganito ang nasabi ni Rep. Defensor sa nasabing session: “…kay Undersecretary Bayani Agbayani ng Finance…”

Agad naman itong itinama ng isa pang mambabatas: “Paglilinaw lang, ha. Undersecretary Bayani Agabin.”

“Ay, Agabin. I’m sorry. Thank you, Mr. Speaker…Ba’t Bayani Agbayani ba nabanggit ko. I apologize,Mr. Speaker,” paumanhin ni Rep. Defensor.

Agad ding nag-post ng kanyang paumanhin si Rep. Defensor sa pamamagitan ng social media.

“Apologies to my friends Usec Bayani Agabin and Bayani Agbayani for mixing their names in today’s session to raise 200B for the government’s fight against COVID-19 virus,” post ng mambabatas sa Instagram.

Imahe mula kay Rep. Mike Defensor

Maraming netizens na naaliw sa pagkakamali ni Defensor ang bumati sa komedyante dahil sa bago niyang “posisyon.”

“Congratulations to Bayani Agbayani for being the new Undersecretary of Finance.”

“Kasama ba sa emergency powers ‘yung pag-appoint kay Bayani Agbayani sa Department of Finance?”

“Cong. Mike! Umamin ka.. Nag tiktok ka ng Otso otso bago mag-interpellate ano, kaya ibang Bayani ang nasabi mo.”

Sa kabila ng pagkakamali ni Rep. Defensor, naapaprubahan ng House of Representatives ang House Bill No. 6616 o Bayanihan Act of 2020 na nagdedeklara ng national emergency at nagbigay ng emergency powers kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtugon sa health crisis.

Loading…