Gary V, pinasalamatan ang mga health workers at frontliners sa pagsugpo ng COVID–19

  • May magandang mensahe ng pasasalamat si Mr. Pure Energy Gary Valenciano para sa mga health workers at frontliners
  • Nakiisa siya sa pag–aalay ng palakpak para sa kanila pagsapit ng 5:00 ng hapon
  • Nanawagan naman ang mahusay na mang–aawit sa publiko na makiisa at sumunod sila sa mga direktiba ng pamahalaan, gayundin, manalig lamang sa Diyos

Hindi lamang mga karaniwang Pilipino ang taos–pusong nagpapasalamat sa mga health workers at frontliners na patuloy na sinusuong ang panganib sa pagsugpo sa COVID–19 kundi maging ang mga sikat na celebrity. Isa na riyan si “Mr. Pure Energy” Gary Valenciano.

Sa kaniyang Instagram post, makikita ang isang video na naglalaman ng mensahe ni Gary, hindi lamang sa mga health workers at medical staff, kundi maging sa iba pang mga frontliners gaya ng mga security guards, cleaners, at lahat ng mga Filipino workers gaya ng cashiers, baggers, utility workers, pulis, sundalo, at iba pang nasa frontline.

Imahe mula sa Instagram account ni Gary Valenciano

Ayon sa kaniyang caption, “To all Health Workers and Frontliners, thank you and God bless you all. I would like to include security guards and cleaners to the list of brave and amazing Filipino workers on the frontline.”

Batay pa sa kaniyang video na tumagal ng 3 minuto at 50 segundo, nakiisa si Gary sa kampanyang pag–aalay ng palakpak para sa lahat ng health workers at frontliners pagsapit ng 5;00 ng hapon. Patuloy umano niyang isinasama sa kaniyang mga panalangin ang lahat, gayundin ang mga taong nasa kani–kanilang mga kabahayan.

“You really have to stay home. It doesn’t matter what your religion or background is… but we have a God, yesterday, today, and forever. He is responsible for all miracles, He is good all the time, He is merciful, and He is gracious,” paalala ni Gary sa lahat.

Pinaalala rin ni Gary ang kahalagahan ng paghuhugas ng kamay, pananatili ng kalinisan, pagsunod sa social distancing, at pagsunod sa direktiba ng pamahalaan upang mapigilan na ang paglaganap ng COVID–19. Para daw sa ikabubuti ng lahat ang mga ginagawa ng pamahalaan, lalo na ang enhanced community quarantine sa buong Luzon.

Samantala, trending ang ginawang cover ni Gary sa kaniyang awiting “Take Me Out of the Dark” sa kaniyang YouTube channel na akmang–akmang para sa mga pangyayari ngayon. Umabot na ito sa 160, 643 views as of posting.

Loading…