Girl power: Kilalanin ang babaeng engineer sa umaga, Angkas driver ‘pag gabi, at tricycle driver kapag weekend

  • Ginulat ng isang babaeng subject sa Bawal Judgmental segment ng Eat Bulaga ang lahat dahil sa kanyang mga trabaho
  • Apat kasi ang trabaho niya kabilang ang pagiging civil engineer, Angkas driver, talent sa TV, at tricycle driver
  • Ginagawa niya raw ito dahil breadwinner siya ng kanyang pamilya at nagpapaaral ng mga kapatid

Ngayong Marso, nagdiriwang ang buong bansa ng National Women’s Month. Ito ay bilang pagbibigay pugay sa kontribusyon ng mga kababaihan sa ating bansa at mundo, at pagkilala na rin sa mga pagbabagong nagawa at patuloy na ginagawa ng mga babae na mahalagang matutuhan ng bawat henerasyon.

Kaya naman ang longest noontime show na Eat Bulaga ay ipinakikita ang girl power sa kanilang trending segment na ‘Bawal Judgmental.’ Sa isang episode kung saan naglaro ang Kapuso Prime Actress na si Lovi Poe, ipinakita nila ang mga babaeng driver ng motorcycle riding app na Angkas at isa pang ride sharing app na Grab.

Larawan mula sa YouTube video ng Eat Bulaga

Ginulat ng mga babaeng subject ng Bawal Judgmental si Lovi, ang mga Dabarkads, maging ang mga netizens dahil sa masisibang na kalahi ni Eba na hindi padadaig sa mga gawaing panglalaki. Pero maliban sa pagiging driver, may iba pang trabaho ang ilan sa mga babaeng tampok sa nasabing game segment.

At isa sa mga babaeng Angkas driver ay mayroong apat na trabaho na ginagawa niya sa buong linggo. Namangha ang lahat kay Dhindhin na isang civil engineer talaga. Pero pagkatapos niya raw mag-duty bilang isang inhinyero, dito raw siya nagmamaneho ng motorsiklo bilang Angkas driver.

Kapag naman daw Sabado, umeekstra din si Dhindhin bilang talent sa telebisyon. Ginagampanan niya ang maliliit na roles sa mga panoorin sa TV. At kapag naman Linggo, dito naman siya nagtatrabaho bilang isang tricycle driver.

“Kaya po ako gumigising ng alas-4 para pumasok bilang Engineer. Pag-out ko po saka ako nag-a-Angkas hanggang alas-8. Nag-eextra rin po ako sa TV. Tricycle driver naman po ako pag Linggo,” pahayag ni Dhindhin sa mga host ng show.

Pahayag ng hardworking na si Dhindhin, ginagawa niya raw ang lahat ng trabahong ito dahil breadwinner siya ng kanyang pamilya. Nagpapaaral daw siya ng mga kapatid at doon daw niya kinukuha ang lahat ng panggastos nila.

Larawan mula sa YouTube video ng Eat Bulaga

“Nagagawa ko po iyan dahil nagpapaaral pa po ako ng mga kapatid ko. Doon lang po nakukuha mga pangangailangan nila,” dagdag ni Dhindhin.

Agad namang nag-viral sa Facebook ang post ng official page ng Eat Bulaga. Umabot lang naman sa higit 80,000 ang reaction ng post at nagpaabot ng kanilang pagsaludo ang mga netizens sa kasipagan ni Dhindhin.

Panoorin ang kuwento ng mga superwomen ng Bawal Judgmental ng Eat Bulaga:

Source :

YouTube, Facebook

Loading…