‘Graduation sa bahay’ idinaos ng ina para sa anak sa gitna ng quarantine

Imahe mula sa Facebook | Rocelyn Dizon Marasigan
  • Sa bahay na lamang ginanap ang graduation ng estudyanteng si Dollrose
  • Tila tunay na graduation ang naganap dahil nakasuot pa ang bata ng toga at nagmartsa patungo sa ‘stage’ bago sinuotan ng medalya at inabutan ng certificate
  • Ayon sa uploader, nais niyang iparanas sa anak ang graduation na naudlot dahil sa umiiral na enhanced community quarantine

Walang makapipigil sa graduation ng anak ng netizen na si Rocelyn Dizon Marasigan.

Imahe mula sa Facebook | Rocelyn Dizon Marasigan

Ginawan ng paraan ni Rocelyn upang makapag-martsa ang anak na nakatakda sanang magtapos noong March 23. Suot ang toga, nagmartsa ang kaniyang anak bago umakyat sa sofa na siyang nagsilbi niyang stage. Doon ay sinabitan din siya ng mga medalya at inabutan ng “diploma.”

“Dear anak, Dollrose Morielle. Alam kong ito yung araw na sana ikaw ay magma-march kasama ng mga classmates mo. Dahil sa COVID-19, ito ay na-postpone,” sabi ni Rocelyn sa kaniyang post sa Facebook.

Gumawa raw sila ng paraan nang sa gayon ay maranasan ng anak ang pagtatapos.

Imahe mula sa Facebook | Rocelyn Dizon Marasigan

Sa panayam sa Philippine Star, ibinahagi ni Rocelyn na dahil kahit paano ay natuloy naman ang graduation ng anak ay siningil daw siya nito sa ipinangako niyang regalong “Kinder Joy.” “Tuwang tuwa po siya. Tinatanong niya ako sa regalo niya. Kasi usapan po namin ‘pag mag-graduate siya, may gift po siya sa amin,” aniya.

Samantala, inulan naman ng pagbati ang mag-aaral. “Ang cute. Congrats, baby,” komento ni J. Sy. “Congrats, baby. At least ginawa ng mommy niya ang lahat para mapasaya ang baby niya. Proud parent,” sabi naman ni G.Dapane.

Napansin naman ni J. Sunga ang kasiyahan sa matamis na ngiti ng bata.  Ang ilang mga magulang naman, nakakuha ng ideya para sa kanilang mga anak.

Isinailalim sa enhanced community quarantine ang buong Luzon upang mapigilan ang pagtaas ng kas0 ng COVID-19 sa bansa. Dahil dito ay nagsuspinde na rin ng klase sa lahat ng antas sa mga paaralan. Dahil dito, may mga pagtatapos na hindi muna natuloy.

Loading…