Guro ginamit ang sariling pera sa pagdidisenyo ng Disney–themed classroom

  • Kinaaliwan ng mga netizens ang magical Disney-themed classroom sa California, USA
  • Ang mas nakabibilib dito, ang mga dekorasyon at mga kagamitang matatagpuan dito ay mula sa sariling pera ng guro
  • Nais daw niyang masilayan ang mga ngiti at kasiyahan ng kaniyang mga pupils kapag nakita  na nila ang kanilang silid–aralan

Isa sa mga dakilang propesyon sa buong mundo ang pagiging isang guro. Kung ikaw ay isang guro, sa simula pa lamang ay batid mo nang marami kang bagay na maisasakripisyo para sa iyong mga mag–aaral, gaya ng oras, panahon, enerhiya, at maging sariling pera.

Ibinahagi ng isang guro mula sa California, USA na si Carlanda Williams ang kaniyang Twitter post na nagtatampok sa kaniyang magical Disney-themed classroom na siya mismo ang nagdisenyo para sa kaniyang kindergarten class. Bukod sa magagandang disenyo, mas ikinamangha ng mga netizens ang pagpapaluwal niya ng sariling pera upang maisakatuparan ito.

Image capture mula sa Twitter account ni Carlanda Williams

Ayon kay Williams na nagtuturo sa Ayer Elementary School sa Fresno, California, alam niyang hindi magbibigay ng pondo para sa kaniya upang maisakatuparan ang plano niyang Disney-themed decorations. Subalit nanaig sa kaniya ang kagustuhang masilayan ang mga ngiti at kasiyahan ng kaniyang mga pupils kapag nakita na nila ang kanilang silid–aralan.

Nagpasya si Williams na magsagawa ng classroom renovation gamit ang sariling pera upang magkaroon ng Disney-themed na mga gamit at dekorasyon ang loob ng kaniyang silid–aralan. Makikita rito ang mga kastilyo, Mickey Mouse logos, at marami pang iba.

Hindi mabubuo ang isang magical classroom kung walang magical teacher! Kaya naman, nagsuot si Williams ng Minnie Mouse ears at Minnie Mouse t-shirt upang makadagdag sa brilyo ng kaniyang silid–aralan. Nagmistulang magical kingdom sa Disney ang naturang silid–aralan na naghihintay na sa kaniyang mga mag–aaral.

Umani naman ito ng iba’t ibang papuri mula sa mga netizens.

Sabi ng isa, “What a positive, enthusiastic teacher. Have a wonderful year!”

“Wow! This is so magical, positive, and beautiful. It makes me feel so hopeful for the young humans you will be teaching for years to come. You will be the teacher they will love and never forget!” turan naman ng isa.

Papuri naman ng isa, “How amazing. Those kids are lucky to have an educator like you who obviously cares about them and their education so much.”

Image capture mula sa Twitter account ni Carlanda Williams

Nakabibilib, hindi ba? Hindi man mapaluwalan sa sariling bulsa, kayang–kaya iyang tapatan ng mga Pilipinong guro na hindi rin matatawaran ang dedikasyon at pagtitiyaga sa pagtuturo.

Loading…