Guro na nanghingi ng 1×1 picture sa kaniyang mga estudyante, nakatanggap ng 1×1 whole body na mga litrato

  • Kinaaliwan ang post ng isang guro tungkol sa 1×1 picture na pinadadala nito sa kaniyang mag-aaral
  • Hindi kasi nito inakala na tototohanin ng kaniyang mga estudyante ang kaniyang biro tungkol sa pagbibigay ng kanilang 1×1 whole body na larawan
  • Agad naman nag-viral ang post ng guro at umani ng iba’t ibang reaksiyon sa social media

“Be careful what you wish for” —  ito na lang ang nasambit ng isang guro matapos literal na matanggap ang pabiro nitong kahilingan mula sa kaniyang mga mag-aaral.

Imahe mula kay Jay-Ar Lapuz Galang | Facebook

Sa Facebook noong March 3, ibinahagi ng guro na kinilalang si Jar-Ar Lapuz Galang ang nakaaaliw na mga larawan ng kaniyang mga mag-aaral sa pinapasukang eskuwelahan.

Kuwento ni Galang, sinabihan niya ang kaniyang mga estudyante na magdala ng kani-kanilang 1×1 picture upang mailagay niya sana sa class card.

Hindi naman nito sukat akalain na tototohanin pala ng kaniyang mga mag-aaral ang kanilang biruan tungkol sa pagdadala ng 1×1 whole body picture. Sa kabila nito, idinikit pa rin niya ang mga larawan sa class card at saka ibinahagi sa social media.

“Hilig kase magbiro ng 1×1 whole body eh,” natatawang sabi ni Galang sa kaniyang Facebook post. Pagpapatuloy pa nito, “Huwag kong maririnig sa susunod ung 1×1 family picture. Naku, magkakaalaman tayo.”

Dahil sa aliw na dulot ng post sa netizens, agad na nagviral ang post ng guro at umani ng iba’t ibang reaksiyon sa social media.

“Masunurin sir. Hahaha!” natatawang sabi ni MWMG.

“Sa susunod class picture naman 1×1. Hahaha! Tapos hanapin nila sarili nila don. Hahaha!” pabirong suhestiyon naman ni DPVH.

Imahe mula kay Jay-Ar Lapuz Galang | Facebook

“Ginawa namin to nung first sem, eh. Hahaha!” sabi naman ni KBV na naka-relate sa post ng teacher.

Sa kasalukuyan ay mayroon nang higit 14,000 reactions ang larawang ibinahagi ni Galang, samantalang lagpas 11,000 na rin ang nag-share nito sa Facebook.

Source :

Facebook

Loading…