Halos $450 million na naipasok sa bansa posibleng nagagamit sa money laundering at iba pang ilegal na aktibidad

  • Milyun-milyong dolyar na katumbas ng halos P22 billion ang nakapasok sa bansa
  • Maaari umanong magamit ang pera sa money laundering at iba pang illegal na aktibidad
  • Naniniwala si Sen. Gordon na may sangkot na malalaking tao na nagbibigay-proteksyon sa grupong nagpapasok ng malaking pera sa bansa

Nagawang makapagpasok ng $447 million o katumbas ng halos P22 billion ang mga Chinese at Filipino couriers sa bansa sa pamamagitan ng Ninoy Aquino International Airport mula September 2019 hangang Pebrero 2020 dahil sa kawalan ng aksyon ng anti-money laundering authorities, ayon kay Senator Richard Gordon.

Imahe mula sa Business Mirror

Sa kanyang privilege speech, ibinunyag ni Sen. Gordon na nakasilid ang mga bungkos ng malulutong na pera sa travel luggage na dumaraan sa harapan mismo ng Bureau of Customs at mga kawani ng NAIA na kumukunsinti raw sa ilegal na operasyon kapalit ng suhol.

Bigo umano ang Anti-Money Laundering Council na pigilan ang garapalang operasyon kaya napabayaan ang isang Pinoy courier na makapagpasok ng $34.7 million sa pamamagitan ng pagbiyahe palabas at papasok ng bansa ng 45 na beses.

“Itong mga ito labas-pasok doon sa airport nang wala man lang tanong. Ilagay mo na sabi ng batas ‘basta nag-declare okay.” Pero nahuli nung isang beses hindi nag-declare. Dapat hanapin natin kung saan napunta ang pera, at the very least,” anang senador.

Ang ganito kalaking halaga ng pera ay maaari umanong magamit sa iba’t ibang ilegal na aktibidad.

Tinukoy ng senador ang isang Elizabeth Rodriguez na kahina-hinalang naglabas-masok sa bansa mula bumiyahe sa Singapore at Hong Kong ng 45 na beses. Nakapagpasok umano si Rodriguez ng $34.7 million o halos P1.7 billionang katumbas.

Imahe mula sa Office of Senator Richard Gordon

Binabayaran umano ang mga courier ng mula P12,000 hanggang P50,000 kada biyahe, ayon sa Bureau of Customs.

Sigurado si Sen. Gordon na may sangkot na malalaking tao na nagbibigay proteksyon sa grupong nagpapasok ng malaking pera sa bansa.

“May protector ‘yan, Hindi lalabas ang pera (sa NAIA) ‘pag walang escort,” aniya.

Naipagbigay-alam na ni Finance Secretary Carlos Dominguez kay Pangulong Rodrigo Duterte ang money laundering activities na nagaganap sa NAIA.

Screenshot mula sa video ng The Asset
Source :

YouTube, Inquirer

Loading…