“Hawak Kamay”, inawit ng Star Magic artists bilang suporta sa ABS-CBN at sa lahat ng mga manggagawa nito

  • Muling nagpakita ng suporta ang mga bituin at manggagawa ng ABS-CBN sa pinaglilingkurang kompanya
  • Sa pagkakataong ito, ibinahagi ng Star Magic ang isang music video na nagtatampok sa mga manggagawa ng ABS-CBN na hindi natin napapanood sa telebisyon
  • Ginamit na musika ang kantang “Hawak Kamay” ni Yeng Constantino

Isang malaking kompanya ang ABS-CBN. Bukod sa mga pamilyar na mukha na kadalasan nating makita sa telebisyon, marami pang manggagawang Pilipino ang umaasa sa biyayang dulot ng kanilang pagtatarabaho sa korporasyon.

Imahe mula sa Facebook page ng Star Magic

Sa isang music video, muling ipinakita ng mga bituin at manggagawa ng ABS-CBN ang kanilang suporta sa kompanya na may posibilidad na magsara dahil sa mga kinahaharap na isyu.

Sa kabila nito, naniniwala sila na sa pamamagitan ng pagkakaisa at paghahawak-hawak ng kamay ay kaya nilang malampasan ang malaking hamon na ito.

Sa pamamagitan ng kantang “Hawak Kamay,” na orihinal na inawit ni Yeng Constantino, ay kinanta ito ng mga artista na pinangangasiwaan ng Star Magic.

Ang pagtatanghal na ito ay bahagi ng kampanya ng Star Magic bilang suporta sa ABS-CBN.

Sa video, may mga itinampok na indibidwal na matagal nang nagtatrabaho sa korporasyon tulad ni Maxie Goloy na isang voice coach at singer sa ABS-CBN sa loob ng 31 taon.

Ayon kay Goloy, kapag daw nagsara ang kompanya, saan sila pupunta o paano na ang mga manggagawang mawawalan ng trabaho lalo pa’t nagtatrabaho sila nang marangal para may maipakain sa pamilya.

Samantala, sa kabila ng 34 taong pagtatrabaho ni Rene Dela Cruz bilang floor director ay inamin nitong hanggang sa kasalukuyan ay nais pa rin niyang magtrabaho.

Bukod kina Goloy at Dela Cruz, may make-up artist, technical director, designer, at stylist ding nagbahagi ng kanilang karanasan at saloobin hinggil sa pagtatangkang maipasara ang ABS-CBN.

Imahe mula sa Facebook

Bukod kay Yeng Constantino, ilan pa sa mga artistang kumanta ng Hawak Kamay sa video ay sina Sam Milby, Bea Alonzo, Piolo Pascual, Inigo Pascual, Erik Santos, Nyoy Volante, KZ Tandingan, at marami pang iba.

Maaaring panoorin ang music video sa ibaba:

Loading…