Hugot ng isang netizen hinggil sa suspensyon ng klase hanggang Abril 12, kinaaliwan

  • Napahugot ang isang guro kaugnay sa pinahabang suspensyon ng mga klase sa lahat ng antas sa Metro Manila
  • Aabot na kasi ito sa huling linggo ng school year 2019–2020 kung saan magiging online na lamang ang pagpapasa ng mga requirements ng mga mag–aaral upang maisagawa ang “social distancing”, at hindi man lamang nagkaroon ng pagkakataong maipinid ang taong pampanuruan nang maayos
  • Inihalintulad ito ng guro sa magkasintahang naghiwalay nang walang closure

Matapos ang deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso 12, 2020 hinggil sa ekstensyon ng suspensyon ng mga klase sa lahat ng antas sa Pambansang Punong Rehiyon o National Capital Region hanggang Abril 12, marami sa mga guro at mag–aaral ang nalungkot dito.

Gaya na lamang ng guro na si “Paul” na nagpaalam na sa kaniyang mga hawak na klase sa Ikasiyam na Baitang sa Junior High School, na makikita sa kaniyang Facebook post noong Marso 12. Pinasalamatan niya ang kaniyang mga mag–aaral na nagdala ng iba’t ibang damdamin at karanasan sa kaniya.

Imahe mula sa Facebook account ni Paul John Arellano

“Salamat sa tuwa, inis, tawanan, galit, payo, sermon, pakikinig at kooperasyon sections BORACAY, SIARGAO, CAGSAWA, CORON, at sa kakikilala ko lang na 9-EPHESIANS. Paalam na sa inyong lahat!”, ayon sa post ng guro.

Nilangkapan pa niya ito ng “hugot”. Inihambing niya ang biglang paghihiwalay nila ng kaniyang klase dahil sa suspensyon sa paghihiwalay ng mga magkasintahan. Ito raw ang pinakanakalulungkot na ending ng school year dahil para daw nakipag–break nang walang closure.

Halos magtatapos na kasi ang school year, at dahil sa suspensyon ng mga klase kaugnay ng pag–iingat sa COVID–19, mukhang hindi na magtatapos nang maayos ang kinasanayang pagkikita ng mga klase sa paaralan.

Umani naman ito ng iba’t ibang komento mula sa kaniyang mga mag–aaral na mamimiss daw ang kaniyang klase at paraan ng pagtuturo bilang guro sa Filipino.

“Sir thank you for everything, thanks po sa effort at pagtitiis n’yo sa amin, stay safe po palagi,” turan ng isa.

Saad naman ng isa, “Mami–misss ka namin nang sobra sir, lalo na yung mga jokes mo na nakahanda araw–araw yung mga acting mo na nakakatawa na lahat nakahanda, yung efforts mo po saka yung care mo sa aming advisory class mo po ay walang kapantay.”

“Totoo po ‘yan sir… Nagpa–plan pa naman kaming mag–farewell pero biglaang nangyari ang lahat ng ito. Nakakalungkot. Good luck na lamang po sa atin sir!”

Ang suspensyon ng mga klase ay isa sa mga precautionary measures ng pamahalaan kaugnay ng social distancing upang mapigilan ang pagkalat at paglala ng COVID–19 sa bansa.

Public Domain Image

Loading…