“Hugot” ni Dr. Jose Rizal noon hinggil sa pagpapakasal ni Leonor Rivera, kinaaliwan

  • May “hugot” din pala si Dr. Jose Rizal
  • Ito ay nang magpakasal sa ibang lalaki ang kaniyang kasintahang si Leonor Rivera noon
  • Makikita ito sa kaniyang liham na ipinadala sa kaibigang si Ferdinand Blumentritt

Itinuturing na pambansang bayani ng Pilipinas si Dr. Jose Rizal na kinilala sa kaniyang dakilang adhikaing mamulat ang mga kababayan sa mga isyung panlipunan at pampulitikang namamayani sa kanilang panahon noon, sa pamamagitan ng kaniyang matalas na isipan at malikhaing panulat.

Ngunit alam mo bang minsan na ring “humugot” ang ating pambansang bayani sa kaniyang buhay pag–ibig? Ito ay ang magpakasal ang isa sa mga “greatest love” niyang si Leonor Rivera, sa isang British engineer na si Charles Henry Porter Kipping, Jr. Sinariwa at ibinahagi ito ng isang netizen sa Facebook page na “Memories of Old Manila”.

Public Domain Image

Ibinahagi ng netizen na si “Ezekiel Silvano Antonio” ang ilang bahagi ng liham ni Dr. Rizal sa kaniyang kaibigang si  Ferdinand Blumentritt noong Abril 23, 1891 na nagsasaad ng kaniyang kalungkutan hinggil sa pagpapakasal ng kaniyang kasintahang si Leonor Rivera kay Kipping.

“Ang aking kasintahan na naging tapat sa akin ng mahigit sa labindalawang taon ay pakakasal na sa isang Ingles, isang railroad engineer… nang matanggap ko ang balita, akala ko’y mababaliw na ako… huwag kang magtaka na mas pinili ng isang Filipina ang ngalang Kipping kaysa ngalang Rizal… malayang tao ang isang Ingles, ako hindi…” halaw mula sa liham ni Rizal.

Umani naman ito ng komento mula sa mga netizens. Nakisimpatya rin sila sa “hugot” ng ating pambansang bayani.

Sabi ng isa, “Sa simula pa lang may mga dalagang Pilipina na ang nahuhumaling sa mga Puti kaya huwag na tayong magtaka kung sa panahon ngayon, basta Puti, maraming mga babae ang nagkakandarapang mapangasawa ito”.

“Actually ang pagpapakasal noon ay nasa desisyon ng magulang, I think hindi naman nais ni Leonor na iwan si Rizal, nanay lang talaga ni Leonor ang nagpumilit sa kaniya na magpakasal sa iba,” turan naman ng isa.

Public Domain Image

Sinasabing si Leonor Rivera ang pinaghanguan ni Dr. Rizal sa katauhan ni Maria Clara, ang mayuming dalagang kasintahan ni Don Crisostomo Ibarra sa walang kamatayang nobelang “Noli Me Tangere”, isang nobelang panlipunan na naging kauna–unahang nobelang akda ng ating pambansang bayani.

Loading…