Ilang Kapuso reporters, hindi na muna umuuwi sa kanilang bahay; nagbayanihan para sa ligtas na coverage ng COVID-19

  • Hindi na muna umuuwi sa kanilang pamilya ang ilang Kapuso reporters dahil sa kanilang coverage ng C0VID-19
  • Ngunit sa kabila nito, tuloy ang bayanihan ng mga frontliners na miyembro ng media sa mga panahong ito
  • Pinalalakas daw nila ang loob ng bawat isa upang patuloy na magbigay ng serbisyong totoo sa kapuwa Pilipino

Isa rin sa mga dakilang frontliners ng bansa ang miyembro ng media. Habang hinihikayat na ang maraming Pilipino ay manatili sa bahay, patuloy ang paglilingkod ng mga mamamahayag at iba pang bahagi ng produksiyon upang makapaghatid ng balitang kailangang malaman ng publiko.

Itinuturing na haligi ng katotohanan ang GMA News and Public Affairs na tuloy-tuloy din ang serbisyo sa panahon ng enhanced community quarantine. Ang iba nga sa kanilang mga reporter ay pinili nang manatili muna sa ilang quarters sa Quezon City at malayo sa kanilang pamilya upang maiwasan na rin ang pagkalat ng C0VID-19 dahil exposed sila sa field.

Larawan mula kay Vonne Aquino

Ayon sa isang pahayag ng Kapuso reporter na si Darlene Cay, karamihan daw sa kanila ay sanay na ring mag-cover ng iba’t ibang kalamidad ngunit pinakakakaibang karanasan daw ang pag-uulat ngayon. Hindi raw nila nakikita ang kalaban at kailangan nilang tiisin na hindi makita ang pamilya dahil ayaw daw nila itong madamay kung anuman ang mangyari.

Maliban kay Darlene, ilan pa sa mga reporters na hindi muna umuuwi sa kanilang tahanan sina Vonne Aquino at Chino Gaston na madalas ding makatanggap ng pagkain mula sa kanilang mga kasamahan sa GMA News and Public Affairs.

Pero sa kabila ng napakahirap na trabaho ng mga mamamahayag ngayon, mas pinili ng GMA News reporters na magbigay ng inspirasyon sa marami sa pamamagitan ng pagpapakita ng kanilang bayanihan. Sa oras na sinusubok ang kanilang katatagan, ipinadama nilang nariyan sila para sa isa’t isa.

Ibinahagi ng isa sa mga senior reporter ng GMA News na si Tina Panganiban-Perez ang pagtutulungan ng mga Kapuso reporter. Mayroong mga kasamahan nila na namahagi ng disinfectant tulad ni Katrina Son habang nagpadala naman ng pagkain si Aubrey Carampel sa kanila. Namahagi naman si JP Soriano sa kanyang mga kasamahan ng face mask.

Larawan mula kay Tina Panganiban-Perez

Ngunit maliban sa mga pagkain at proteksiyon na magagamit nila habang gumagawa ng coverage, isa raw sa pinakamahalagang bagay na ibinibigay ng GMA reporters sa isa’t isa ay ang lakas ng loob upang magpatuloy sa kanilang tungkulin.

Tuwing lalabas daw ang isang reporter para sa kanilang ulat, lagi raw nilang ipinaaalala sa bawat isa na kailangan nilang tatagan ang kanilang loob dahil darating din ang panahon na malalagpasan ng bansa ang suliraning ito.

Loading…