Ilang pinaghihinalaan at kumpirmadong may COVID-19 nagtangkang tumakas

  • Isang babaeng positibo sa COVID-19 sa San Juan City, tinakasan ang mga awtoridad
  • Dalawang magkapatid na pinaghihinalaang may COVID-19, tumakas mula sa Sarangani quarantine site
  • Nahuli ang tatlo at kasalukuyang naka-quarantine

Tatlong indibidwal – dalawa ay  pinaghihinalaang may COVID-19 at ang isa ay kumpirmado na – ang nagtangkang tumakas nang dadalhin na sila sa pagamutan para isalilalim sa mandatory quarantine.

Imahe mula sa PNA

Sa San Juan City, isang 51-anyos na babae ang nagtangkang takasan ang mga awtoridad nang malaman niyang nagpositibo siya sa COVID-19. Bigla umanong tumakbo ang babae patungo sa parking lot ng ospital at sumakay sa kotse niya.

Nagkaroon ng habulan at inabutan ng mga awtoridad ang babae sa parking lot ng St. Luke’s Medical Center sa Taguig City.

Ayon kay San Juan City Mayor Francis Zamora, umabot sa dalawang oras bago nila napapayag ang babae na madala sa ibang ospital dahil hindi ito na-accommodate sa St. Luke’s. Sinamahan siya ng ilang health  officials at mga opisyal sa isang pagamutan sa Quezon City.

Ang mga nag-escort sa babae ay isasailalim din sa 14-day quarantine.

Samantala, dalawang magkapatid na persons under investigation ang tumakas mula sa quarantine area sa Sarangani Province.

Imahe mula sa St. Luke’s

Sa report ng pulisya, ang dalawa na pinaghihinalaang may COVID-19 ay tumakas papuntang Davao Airport upang sumakay ng flight patungong Maynila. Plano raw ng dalawa na magtungo sa Japan. Nang magsagawa ng manhunt ay natunton sila sa isang hotel sa Davao nitong Biyernes, ika-13  ng Marso.

Naka-confine na ang magkapatid sa isolation facility ng Southern Philippines Medical Center sa Davao City.

Ayon sa Department of Health, ang mga awtoridad ay maaari nang magpatupad ng mandatory quarantine matapos ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang national state of public health emergency dahil sa banta ng COVID-19.

Imahe mula sa PNA

Loading…