Ilang probinsiyanong nagtatrabaho sa Maynila, mas piniling manatili sa NCR dahil sa takot na makahawa

  • Mas pinili pa rin ng ilang mga probinsiyanong nagtatrabaho sa Maynila na manatili sa lungsod dahil sa takot na makahawa sa kani-kanilang pamilya
  • Marami ang naantig sa post ng isang netizen tungkol sa naging desisyon niya lalo’t isasailalim na sa community quarantine ang NCR
  • Nagpahayag naman ito ng suporta sa iba pang mga kagaya niya na patuloy na hindi makakapiling ang kanilang pamilya

Marami ang naantig sa post ng isang netizen tungkol sa naging desisyon niya na manatili muna sa Metro Manila sa gitna ng banta ng COVID-19.

Imahe mula sa Pixabay

Sa viral post ng netizen na kinilalang si Redentor Lebantino sa Facebook noong March 13, ipinahayag nito ang dahilan kung bakit hindi muna siya umuwi sa kanilang probinsiya bago pa tuluyang maipatupad ang community quarantine sa National Capital Region o NCR.

Binigyan na umano siya ng kompaniyang kaniyang pinagtatrabahuhan ng pagkakataon na makapagtrabaho sa bahay ngunit nagdesisyon pa rin itong manatili muna sa kaniyang tinutuluyan na malayo sa kaniyang mga magulang.

“Work from home na kami simula Lunes, March 16. Naisip kong umuwi ng probinsiya. Pahinga doon. Babawi ng tulog,” pagbabahagi ni Redentor sa kaniyang post.

“Pero araw-araw nga pala akong nagcocommute lulan ng MRT. Exposed na exposed ako sa madaming tao kaya naisip ko, paano kung carrier pala ako? Tapos pag-uwi ko mahawa ang nanay at tatay ko. Okay. Hindi na ako uuwi,” sabi nito.

Ibinahagi pa nito ang naging pag-uusap nila ng kaniyang magulang at ang lungkot na kaniyang naramdaman dahil sa panahong hindi muna niya makakasama ang mga ito.

Tulad ni Redentor, ilang netizens din ang nagsabi na mas pinili muna nilang manatili sa Manila upang protektahan ang mga taong mahal nila sa probinsiya.

I-click ang imahe para makita ang orihinal na post

“Same here kaninang umaga tumawag papa ko. [Tinanong niya] kailan daw kami uuwi, paano raw kami uuwi. Kahit gusto na rin makapagbakasyon, mananahimik muna kami dito sa bahay. ‘Uuwi pa rin naman kami,’ ‘ka ko. Kasi kailangan ko rin hintayin paano ang recognition sa school ng anak ko kung meron pa ba,” ani JRDP.

“Kaya hindi na rin ako umuwi. Kawawa tatay at mga kapatid ko kung di ko lang din makukumusta ng malapitan dahil need mag-quarantine muna,” sabi naman ni AAC.

Nagpahayag naman si Redentor ng suporta para sa iba pang mga kagaya niya na panandaliang hindi makakapiling ang kanilang pamilya.

“Yakap sa lahat ng mahal ko. Yakap sa inyo na nagmamahal din at pinipiling pagtagumpayan ang krisis na ito,” sabi pa nito sa post.

Source :

Facebook

Loading…