Iloilo City, magpapatayo ng condominium para sa mga regular employees ng city hall na mababa ang sahod

  • Magpapatayo ang Iloilo City Hall ng isang condominium para sa kanilang mga empleyado
  • Maaari daw makakuha ng unit ang isang regular employee ng city hall na mas mababa sa salary grade 10 ang nakukuha buwan-buwan
  • Inaasahang matatapos ang proyekto sa loob ng dalawang taon

Isang magandang proyekto ang naghihintay para sa ilang regular employees ng Iloilo City Hall. Nakatakda kasing magpatayo ang Iloilo City government ng isang mid-rise condominium para sa mga empleyado nilang hindi ganoon kataas ang sahod.

Ayon sa Iloilo City Ubran Poor Affairs Office (ICUPAO) head na si Roy Firmeza, makakukuha ng isang unit sa itatayong apat na palapag na condo ang kanilang mga regular employees na mas mababa sa salary grade 10 ang nakukuha buwan-buwan.

Larawan mula sa PNA

Ito raw ay proyekto nila para sa mga low-income earners na matiyagang nagsisilbi para sa sa ikagaganda at ikauunlad ng kanilang lungsod. Ayo pa sa ICUPAO, nasa 30 square meters ang isang unit sa itatayong condo na maaaring maangkin ng ilan nilang empleyado.

Itatayo ang apat na palapag na gusali sa Barangay San Isidro, Jaro. Kasama nito sa lupain ang Uswag Subdivision na nagsilbing relocation site ng ilang residente ng Iloilo City. Nasa 2,741 square meters daw ang nasabing lupa at pumasa naman daw ang lupa roon upang matayuan ng condo para sa mga empleyado ng city hall.

Tinatayang nasa 120-130 units ang maaaring malikha nila sa nasabing condominium na ngangahulugan ding nasa lagpas 100 empleyado ang magkakaroon na ng kani-kanilang sariling tahanan. Gayunman, maliban sa pagiging low-income at regular employee, mayroon pang karagdagang requirement ang Iloilo City Hall.

Larawan mula sa Facebook

Papayagan daw nilang magproseso ng mga dokumento ang mga kawani nila na naging empleyado na sa loob ng limang taon o higit pa. Tinatayang mauumpisahan ang nasabing proyekto sa ikalawang kuwarter ng taon at inaasahang makokompleto sa loob ng 18 hanggang 24 buwan.

Marami naman ang nagpasalamat sa kanilang alkalde na si Jerry P. Trenas dahil malaking ayuda raw ito sa mga empleyado ng city hall. Umaasa naman ang ilan na matapos ang nasabing proyekto ay mas madaragdagan pa ang makakabuluhang programa para sa mga mamamayan ng Iloilo City.

Loading…