Inmates sa Quezon, gumawa ng face shields para sa mga frontliners

  • Gumawa ng improvised face shields ang mga inmates sa Catanauan, Quezon
  • Ipinamahagi nila ito sa mga frontliners
  • Nagagalak ang mga inmates sapagkat nakatulong sila sa kanilang kapwa kahit nasa “loob” sila

“Hindi mapipigilan ng mga rehas na bakal ang kagustuhang tumulong sa kapwa.”

Gumawa ng improvised face shields ang mga inmate o tinatawag na Persons Deprived of Liberty (PDL) sa iang bilangguan sa Catanauan, Quezon para sa proteksyon ng mga frontliners laban sa Coronavirus Disease 2019 o COVID-19.

Imahe mula sa Facebook page ng ABS CBN News

Batay sa opisyal ng Bureau of Jail Management and Penology o BJMP sa Catanauan, ito raw ang naisip nilang paraan upang makapaghatid ng tulong sa mga health workers at frontliners na tumutulong sa pagsugpo sa pagkalat at paglaganap ng virus, lalo pa’t ang kanilang mga kaanak ay nasa labas at hindi nila nakakasama.

Ayon kay Senior Jail Officer (SJO) 3 Adoracion Abella, assistant warden at nurse ng BJMP-Catanauan, naisip nilang gumawa ng mga improvised face shields dahil nabalitaan nilang kulang-kulang sa mga face shields, face masks, at mga alcohols ang mga frontliners.

Gamit ang mga goma, garter, gunting, glue gun, glue stick, tape, at galon ng tubig, nakagawa sila ng 50 improvised face shield na naipamahagi na nila sa mga kawani ng Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, mga opisyal ng barangay, at iba pang frontliners ng Bondoc Peninsula District Hospital.

Hindi raw masidlan ang kaligayahan ng mga inmates dahil kahit nasa “loob” sila, nagawa pa rin nilang makapag–ambag para sa kanilang mga kababayan. “Tuwang tuwa po sila dahil nga po kahit sila ay nasa loob, nagkaroon daw po sila ng silbi, nakatulong po sila sa ating mamamayan,” ani Abella.

Imahe mula sa Facebook page ng ABS CBN News

Dagdag pa niya, “Meron na pong nagte-text sa amin na ibang bayan na kung puwede po ay bigyan din po namin sila at ito po ay meron nang gumagaya sa ibang lugar sa Bicol.

Samantala, patuloy pa rin ang kanilang paggawa ng mga protective gears para sa mga frontliners habang hindi pa natatapos ang krisis kontra COVID–19.

Pagpupugay sa ating mga inmates sa Quezon! Pagpalain nawa kayo ng Diyos!

Loading…