Isang karinderya at lugawan sa Pulilan, Bulacan: “Libre kung walang pambayad”

  • Hinangaan ng marami ang paraan ng pagtulong ng isang karinderya sa Pulilan, Bulacan
  • Libre na kasi ang kanilang famous lugaw with egg sa mga taong walang pambayad
  • Payo pa ng may-ari ng kainan, dapat daw ay nagtutulungan ang mga Pilipino

Sa pagpasok ng 2020, tila sinusubok ang katatagan ng mga Pilipino dahil sa sunod-sunod na unos na ating nararanasan. Ngunit sa mga buwan na may pinagdaraanan ang bawat isa, saan mang sulok ng Pilipinas, lumalabas ang pagmamahal ng bawat isa sa kanilang kapuwa. Maraming pagkilos mula sa mga Pilipino ang kinakikitaan ng kabutihan at inspirasyon upang tumulong din sa iba.

At sa kabila ng banta ng COVID-19 sa buong bansa, isang larawan ang nagbibigay ng pag-asa sa maraming netizens na hindi pa rin talaga nawawala ang kabutihan ng mga Pilipino, kahit ang mga negosyante na may sarili ring bayarin at intindihin.

Larawan mula sa Facebook post ni Vic Esguerra

Ibinahagi ng netizen na si Vic Esguerra sa kanyang Facebook account ang larawan ng isang karinderya sa Pulilan, Bulacan na business as usual sa kabila ng banta ng COVID-19. Pero hindi nananatili ang operasyon ng Carinderia ni Ka Enteng upang kumita lamang. Handa kasi silang mamigay ng pagkain sa mga walang badyet.

Libre nilang ibinibigay ang kanilang itinitindang lugaw with egg sa mga kababayan nilang walang pambayad. Kung tutuusin, mura na ang sampung piso para sa lugaw na may itlog kaya naman dito pa lang ay nakahahanga na ang kainan.

Ngunit isang maliit na paskil ang nakalagay sa karatula ng lugaw na kung walang pambayad, libre na raw makukuha ang isang cup ng lugaw upang may panawid sa kalam ng sikmura ang mga walang-wala. Sabi pa ng paskil, “Pinoy tayo, nagtutulungan!”

Maraming suki naman ni Ka Enteng ang natuwa sa handog nito para sa mga walang pambayad upang makabili ng pagkain. Ayon sa kanyang mga regular na customers, hindi lang daw pala mura at masarap ang pagkain sa karinderya, kung hindi nagsisilbi pa itong inspirasyon sa marami.

Larawan mula sa Facebook page ng Carinderia ni Ka Enteng

Ibinahagi na rin ng Facebook page na Bulakenyo Ph ang post na ito ni Vic na umaani na rin ngayon ng maraming likes at shares. Nagpaabot din ng pasasalamat ang nasabing Facebook page sa may-ari ng karinderya.

Hiling ng mga netizens, sana raw ay mas lumago pa ang negosyo na ito at sana raw ay magsilbing inspirasyon sa iba na huwag puro sarili ang isipin at tumulong din sa kapuwa lalo na sa panahon kung saan marami ang nangangailangan.

Loading…