Isang komunidad sa Pampanga araw-araw binabaha kahit walang ulan; paglubog at pagbaba ng kanilang lugar, itinuturong dahilan

  • Ilang barangay sa Masantol, Pampanga ang araw-araw na napeperwisyo ng baha kahit wala namang ulan
  • Ang tubig kasi mula sa katabing ilog at dike ay umaabot sa mga kabahayan dahil daw sa paglubog ng lupa
  • Dahil lubog na ang lupa, nagiging kapantay na lamang ito ng tubig na nagiging dahilan ng araw-araw na pagbaha

Isa pa sa mga suliranin ng mga Pilipino ay ang panahon ng pag-ulan. Kapag masungit ang panahon, tiyak na mayroong mga lugar sa bansa na malulubog sa naiipong tubig ulan o sa madaling salita, inaasahan na ang pagbaha.

Ngunit may isang barangay sa Masantol, Pampanga na kahit hindi umuulan ay patuloy na pinapasok ng tubig ang mga kabahayan at iba’t ibang establisimyento. Bakit kaya?

Sa ulat ng GMA Public Affairs show na Brigada, naitampok ang pamumuhay ng mga residente ng Barangay Sagrada Familia na araw-araw ay napeperwisyo ng tubig.

Larawan mula sa video ng GMA Public Affairs

Ayon sa ulat, dahil daw sa pagtaas ng tubig na hindi naaalis sa lugar, makailang ulit na ring tinatambakan ng mga residente ang kanilang mga bahay para hindi abutin ng tubig na tila lawa na. Hindi na kasi naaalis ang tubig kahit walang ulan, at kapag high tide, pumapasok pa sa mga kabahayan ang tubig.

May ilang residente na bagama’t sanay na sa kanilang nararanasang pagbaha araw-araw, ay hindi pa rin maiwasang kaawaan ang kanilang sitwasyon, lalo na ang araw-araw na paglilinis ng kanilang bahay tuwing sandaling huhupa ang tubig. Kailangan daw kasi nilang linisin ang putik na naiiwan dahil madulas ito at lubhang peligroso para sa kanila.

Maging ang basketball court ng barangay ay naperwisyo na. Ang dating mataas na ring ay halos abot-kamay na ng mga manlalaro dahil sa pagtatambak na ginawa upang hindi abutin ng tubig. Pati ang simbahan sa lugar ay mistulang ilog na umano kapag high tide at malakas ang ulan.

Damay din sa patuloy na pagtaas ng tubig ang isa pang barangay sa Masantol na Barangay Bagang. Ang kanilang barangay hall nga ay inilipat na sa kabilang banda dahil lumubog na rin sa tubig ang kanilang dating tanggapan mula sa kalapit na dike.

Larawan mula sa video ng GMA Public Affairs

Batay sa pag-aaral ng mga eksperto, land subsidence daw ang nangyayari sa bahaging ito ng Masantol, Pampanga.

Ito ay ang paglubog ng lupa sa isang lugar dahil sa iba’t ibang rason. Sa kaso raw ng Masantol, ang labis daw na pagkuha ng ground water ng mga water concessionaires at mga poso ang nagiging dahilan ng paglubog ng lupa.

Kapag daw kasi umuulan, at tuyot na ang tubig sa ilalim ng lupa o ang ground water, nagiging sobrang lambot nito at nagdudulot ng paglubog. Ayon sa mga eksperto, taon-taon ay lumulubog ang lupa sa Pampanga na unti-unti na ring nararamdaman ng mga residente.

Panoorin ang report ng GMA News and Public Affairs:

Loading…