Isang lola na kailangan pa ring magtinda sa Divisoria sa kabila ng umiiral na ECQ, hinangaan at umantig sa mga netizens

  • Isang matanda ang patuloy pa rin sa pagtitinda kahit may umiiral nang enhanced community quarantine
  • Ayon sa uploader ng larawan ni lola, kailangan niya raw magtinda dahil hindi sila naaabot ng serbisyo mula sa lokal na pamahalaan
  • Marami pa rin daw kasing opisyal ng barangay ang hindi maayos ang serbisyo

Marami ang nananawagan ngayon na manatili na lang muna sa bahay kung wala namang mahalagang gagawin sa labas upang makaiwas na rin sa banta ng C0VID-19. Marami sa atin ang may kakayahang ipagpaliban ang lahat ng gawain, kabilang ang pagtatrabaho dahil mayroong sapat na ipon. Ngunit hindi lahat ay kayang magpahinga ng isang buwan.

Mayroon tayong mga kababayan na kapag hindi nakapagtrabaho ay siguradong walang kakainin sa araw-araw. Katulad ng isang matanda na viral ngayon sa Facebook dahil sa kabila ng umiiral na enhanced community quarantine (ECQ) ay hindi pa rin natitinag sa pagtitinda sa Divisoria, Maynila upang may pantustos sa araw-araw.

Larawan mula sa Facebook post ni Ryuu L. Soulshin

In-upload ng netizen na si Ryuu L. Soulshin sa kanyang account ang larawan ng isang matandang babae sa bangketa na mas piniling magtinda kahit na wala namang masyadong tao ngayon sa Divisoria dahil sa ECQ. Naghahanap daw noon ng ATM si Ryuu nang makita at sandaling makausap si lola.

Ayon sa matanda, kahit daw maganda ang proyekto ng kasalukuyang mayor ng Maynila na si Isko Moreno Domagoso, marami pa rin naman daw na tauhan ng barangay na nananatiling mapanlamang sa kanilang kapuwa kahit sa panahon ng krisis tulad ngayon.

“Kailangan ko magbenta para may pangbili kami ng pagkain. Mahirap umasa sa relief goods kasi kahit anong mabuting gawin ni Mayor Isko, may mga tauhan sa barangay na mapangsamantala,” pahayag daw ng matanda ayon sa post ni Ryuu.

Naantig daw ang damdamin ni Ryuu nang marinig ang dahilan ng matanda na nagtitinda ng kendi at y0si. Kinabukasan, dahil sa awa ni Ryuu ay binalikan niya si lola at iba pang nagtitinda sa bangketa upang bigyan ng tulong. Binigyan niya raw ng pang gastos si lola habang naghihintay ng ayuda mula sa lokal na pamahalaan.

Larawan mula sa PNA

“Binalikan ko si nanay ngayon sa Divisoria at di na rin ako nakabili ng grocery sa haba ng pila at baka di ko maabutan si nanay. Nabigyan ko na si nanay at yung mga kasama niyang nagtitinda ng pang gastos para sa mga susunod na araw habang nag hihintay ng relief goods,” sabi ni Ryuu sa kanyang post kinabukasan nang makita ang matandang vendor.

Agad na nag-viral ang post na ito ni Ryuu. Habang isinusulat ang istoryang ito, mayroon nang 35,000 reactions at 17,000 shares ang larawan ni lola. Maraming netizens din ang nag-tag sa official Facebook page ni Mayor Isko upang mabigyan ang matanda na talaga namang umantig sa damdamin ng marami.

Loading…