Isang palaboy na nananalangin sa loob ng isang simbahan, umantig at nagmulat sa kamalayan ng netizens

  • Trending sa social media ang larawan ng isang lalaking palaboy na nasa loob ng simbahan
  • Mataimtim kasing nagdarasal ang lalaki sa kabila ng kalagayan nito
  • Maraming netizens naman ang humanga sa pananalig ng lalaki at nagsilbing inspirasyon sa marami

Bilang isang Kristiyanong bansa, malaking bahagi ng pamumuhay ng mga Pilipino ang pananampalataya sa Diyos. Iba-iba man ng relihiyon, nagkakaisa ang mga Pinoy sa paniniwalang ang pananalig sa Maykapal ay isang mabisang paraan upang pagkuhanan ng lakas ng loob, anumang unos ang pagdaanan natin.

Ganito ang diwa ng post ng Facebook page na Bible Time. Makikita kasi sa larawan na mataimtim na nananalangin ang isang palaboy sa loob ng simbahan. Nakaluhod pa ito at nakaporma ang kamay ng karaniwang ayos kapag nananalangin at nakatingin sa poon sa altar ng simbahan.

Larawan mula sa Facebook page na Bible Time

Hindi man malinaw kung sino ang lalaki at kailan kuha ang nasabing larawan, naging inspirasyon naman ito para sa maraming nakakita. Nakadagdag pa sa pagkaantig ng mga netizens ang caption ng nasabing post mula sa Facebook page.

“If you can see, kahit na anuman ang katayuan ng isang tao, hindi niya pa rin nakalilimutan ang Panginoon,” sabi ng post na agad namang nag-trending sa social media.

Habang isinusulat ang balitang ito, naka-15 oras pa lamang na naka-upload ang nasabing larawan ngunit umani na ito ng higit 73,000 shares, 613 comments, at 7,300 shares. Maraming netizens ang nagpaabot ng paghanga sa lalaki.

Ayon sa kanila, isang malaking paalala ang lalaki na walang rason upang hindi magpasalamat sa biyayang natatanggap araw-araw. Iba-iba man tayo ng pagpapalang natatamo, ang mahalaga, hindi natin nakalilimutang ipagpasalamat ang mga ito sa Maykapal. Masarap din daw sa pakiramdam na sa kabila ng mga suliranin ay nagagawa pa rin nating tumawag sa Itaas upang magkaroon ng oras kasama ang Panginoon.

Larawan mula sa Pexels

“Mayaman si Kuya. Hindi man sa materyal na bagay ngunit mayaman siya sa pananampalataya. Lahat ng mga bagay na mayroon tayo sa mundo ay maaaring mawala. Pero ang maigting na paniniwala sa kabila ng kalagayan niya ay isang pagpapala,” ayon sa comment ng isang netizen.

May isang social media user din na nagkomento tungkol sa lalaki. Ayon sa kanya, bagama’t hindi ito berepikado, ang lalaki raw sa larawan ay mula sa San Narciso, Zambales at mayroon daw kalagayang mental. Gayunman, mabait naman daw ito at hindi namemerwisyo.

Loading…