Isang pamilihan, nilimitahan na sa dalawang bote per transaction ang pagbili ng rubbing alcohol para iwas-hoarding

  • Viral sa social media ang magandang hakbang ng isang pamilihan para maiwasan ang hoarding ng rubbing alcohol
  • Dalawang bote na lamang ng rubbing alcohol ang pinahihintulutan ng pamilihan kada isang mamimili
  • Maraming netizens naman ang natuwa at sinabing sana ay tularan din ito ng iba pang grocery stores at supermarket

sa pagdami ng kaso ng coronavirus (COVID-19) sa Pilipinas, isinusulong ng mga eksperto ang palagiang paghuhugas ng kamay upang makaiwas sa nasabing karamdaman. Maliban sa paghuhugas ng kamay gamit ang sabon, mabisa rin ang paglalagay ng rubbing alcohol sa kamay lalo na ang mga taong laging nasa biyahe at trabaho.

Pero dahil sa kagustuhan ng iba na makabili ng maraming suplay para sa sarili, o ang iba naman ay humahakot ng maraming rubbing alcohol sa mga grocery stores para ibenta nang mas mahal, agad na nagkakaubusan ng suplay sa mga pamilihan. Ang siste, maraming Pilipino na gusto ng proteksiyon ang hindi makabili ng alcohol dahil wala nang stock sa ilang lugar.

Larawan mula sa Facebook account ni Carl John Gomez Sison

Kaya naman ang isang sikat na pamilihan, gumawa na ng kanilang hakbang upang maiwasan ang hoarding at panic buying ng ilan nating kababayan. Ibinahagi ng netizen na si Carl John Gomez Sison ang larawan ng isang paalala ng isang supermarket sa kanilang mamimili na dalawang bote ng alcohol lamang ang pinahihintulutan nila sa bawat transaksiyon.

Anumang size o variant ng alcohol, dalawang bote na lamang ang maaaring bilhin ng isang customer sa Robinson’s Supermarket ayon sa kuha ni Carl John. Humanga naman si Carl John sa nasabing pamilihan dahil sa kanilang panukalang magbibigay ng pagkakataon sa maraming mamimili na magkaroon ng rubbing alcohol para sa kanilang pamilya.

Isang malaking hakbang din ito upang maiwasan ang mga nananamantala. Marami na kasing kumakalat sa Facebook ngayon na may mga nagtitinda nang sobra-sobra sa presyo. Ang iba ay lagpas doble pa ang benta sa mga rubbing alcohol na galing lang din naman sa mga grocery store at mga pamilihan.

Habang isinusulat ang istoryang ito, nasa tatlong oras pa lamang na naka-upload ang larawang kuha ni Carl John. Pero agad itong umani ng maraming komento, shares, at reactions mula sa mga netizens. Mayroon na itong 2,000 reactions na karamihan ay ‘love’ at 4,700 shares.

Larawan mula sa Pexels

Maraming netizens din ang humanga sa hakbang na ito ng kilalang mall. Maganda raw ito na naisip nilang limitahan ang pagbili ng maramihan dahil ginagawang negosyo ng iba ang pagbebenta ng alcohol sa mas mahal na presyo.

Hiling ng ibang netizens, sana raw ay gayahin na ng iba pang malls at grocery store ang ganitong gawain upang hindi na matulungan pa ang mga nananamantalang nagre-resell sa mas mahal na presyo.

Loading…