Italy nagpatupad ng lockdown dahil sa COVID-19, halos 16 milyong mamamayan apektado

  • Italy nagpatupad ng lockdown sa malaking rehiyon ng bansa
  • Tinatayang halos 16 miyong mamamayan ang apektado ng lockdown
  • Ang naturang hakbang ay itinuturing na pinakaradikal na hakbang na ipinatupad sa labas ng China

Halos 16 milyong mamamayan ang isinailalim ng Italy sa forced quarantine matapos ipatupad ng pamahalaan noong Linggo, ika-8  ng Marso, ang seryosong hakbang upang makontrol ang pagkalat ng novel coronavirus (COVID-19) na patuloy na nananalasa sa buong mundo.

Screenshot mula sa ABC video

Ibinahagi ni Prime Minister Giuseppe Conte sa social media na nilagdaan niya ang planong mahigpit na paglilimita sa galaw ng mga tao sa malaking lugar kabilang ang Venice  at ang buong rehiyon ng Lombardy, kung saan pangunahing siyudad ang financial capital ng bansa na Milan – sa loob ng halos isang buwan.

“#Coronavirus, the new decree is finally approved,” saad ng Prime Minister sa Twitter bilang pagkumpirma sa lockdown na nauna nang naiulat sa media.

Ang naturang hakbang, na itinuturing na pinakaradikal na hakbang na ipinatupad sa labas ng China, ay tatagal hanggang ika-3 ng Abril 2020.

Inanunsyo ni Prime Minister Conte ang pagpapasara ng mga paaralan, gyms, museums, sinehan, casinos, ski resorts at iba pang lugar na dinarayo ng mga tao.

Suspendido na rin ang lahat ng kasalan, libing at religious at cultural events.

Screenshot mula sa ABC video

“There will be no movement in or out of these areas, or within them, unless for proven work-related reasons, emergencies or health reasons. We are facing an emergency, a national emergency. We have to limit the spread of the virus and prevent our hospitals from being overwhelmed,” pahayag ni Conte sa media.

Ang mga mamamayan ng naka-lockdon na lugar na nasa labas ng rehiyon ay papayagang makauwi, habang ang mga bars at restaurants ay papayagang ipagpatuloy ang operasyon kung posible sa loob ng establisimyento na magkaroon ng isang metro o tatlong talampakang distansya ang mga customers sa bawat isa.

Ang mga mamamayan ay sinabihang manatili sa loob ng bahay hangga’t maaari at ang sinumang lalabag sa quarantine ay makukulong ng tatlong buwan.

Umabot na sa 7,000 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Italy at 366 sa kanila ang hindi nakaligtas.

Screenshot mula sa ABC video

Loading…