Jeepney driver na nagbibigay ng libreng sakay sa mga senior citizen, hinangaan

Imahe mula sa Facebook | Denmark Manansala
  • Marami ang humanga sa isang jeepney driver na nagbibigay ng libreng sakay para sa mga senior citizen
  • Kuwento ng isang pasahero, minsan na raw umabot sa 18 ang naisakay nang libre ng driver sa isang biyahe
  • Dahil sa kabutihang loob niya ay naantig ang kaniyang mga pasahero

Hindi lingid sa kaalaman ng marami na kailangang kumayod nang husto ng mga jeepney driver upang kumita nang sapat para sa kanilang pang-araw araw na pamumuhay. Ito ang dahilan kung bakit ganoon na lamang ang paghanga ng isang netizen sa driver na inililibre ang lahat ng maisasakay na senior citizen.

Imahe mula sa Facebook | Denmark Manansala

Bukal sa loob ang ginagawang ito ng hindi nakilalang driver. Sa katunayan, minsan na nga raw umabot sa 18 ang nailibre niya ng pamasahe sa isang biyahe.

Kuwento ng netizen na si Denmark Manansala sa kaniyang Facebook post, siya ang unang pasaherong sumakay sa jeep ng mabait na driver. Sa buong biyahe ay apat na senior citizen ang sumakay. Lahat sila ay nag-abot ng bayad at ibinalik ito ng driver sa kanila.

“Yung last na matanda ay pilit ibinabayad ang pera niya. Sabi niya, ‘Siyempre may pamilya ka rin na kailangan mong pakainin,” kuwento ni Denmark.

Mas lalo raw natuwa ang mga senior citizen sa isinagot sa kanila ng driver, “Apat lang po kayo. Noong minsan ay 18 na senior citizen ang isinakay ko.”

Imahe mula sa Facebook | Denmark Manansala

“Nakita kong napangiti yung apat na senior citizen at paulit ulit na nagsabi ng ‘God bless’ kay manong,” dagdag ng uploader. “Sobrang saludo sa iyo, manong. Sa simpleng bagay lang ay napasaya mo sila nang sobra. Kahit na kumakayod ka para sa pamilya mo ay inililibre mo pa rin sila.”

Sa huli ay hindi lamang daw sa mga senior citizen nag-iwan ng marka ang driver dahil lahat ng mga pasahero ay na-touch sa ginawang ito ni manong.

“Good vibes lang kasi lahat ng nakasakay sa kaniya ay bumababa nang naka-smile, kahit hndi senior. Mabuhay ka, manong,” pagtatapos niya sa kaniyang post.

Source :

Facebook

Loading…