Judy Ann Santos, tumutulong sa mga medical workers sa pamamagitan ng paggawa ng face shields

  • Patuloy ang pagtulong ni Judy Ann Santos sa mga frontliners at medical workers
  • Ibinahagi ni Ryan Agoncillo ang video ni Juday na abala sa paggawa ng face shields
  • Maging ang aktres na si Alice Dixson ay na-inspire sa ginagawang ito ni Juday

Sa panahon ng sakuna, lalong lumalabas ang kinang ng mga celebrity na handang tumulong sa mga mamamayan na nangangailangan. Ngayong 2020, maagang sinubok ang katatagan ng mga Pilipino dahil sa sunod-sunod na pangyayari. At sa mga kaganapang ito, laging may mga artista na handang tumulong.

Isa sa mga ito ay ang Queen of Pinoy Soap Opera na si Judy Ann Santos. Mula sa pagluluto ng maraming pagkain para sa mga evacuees ng Taal eruption, ngayon naman ay patuloy na tumutulong si Juday sa mga frontliners natin na kailangang-kailangan ng protective gear sa paglaban sa C0VID-19.

Larawan mula sa Instagram video ni Alice Dixson

Ibinahagi ng mister niyang si Ryan Agoncillo ang video ng abalang-abalang si Juday na gumagawa ng face shield na ipamamahagi nila sa mga health workers. Kahit na makeshift lamang ang mga face shields na ginagawa ni Juday, malaking tulong ito sa mga medical staff ngayon na nagsasabing kulang na kulang na talaga ang kanilang mga kagamitan sa mga pagamutan.

Katuwang rin ni Juday sa paggawa ng mga face shields ang kanyang mga kasama sa bahay. Ayon sa kapuwa celebrity ni Juday na si Alice Dixson, ang ginagawang ito raw ni Juday ay ipamamahagi ng samahang binuo na tinatawag na Face Shields for Frontliners.

Sa Instagram account ni Alice, sinabi niyang na-inspire siya sa inisyatibong ito ni Juday na tumulong sa mga frontliners. Dahil dito, hinihikayat na rin niya ang kanyang mga followers na makiisa sa gawaing ito na magiging malaking tulong sa mga medical workers.

Larawan mula sa Instagram video ni Ryan Agoncillo

“I was really inspired by @officialjuday was doing the other night that it got me thinking how also to be more proactive. If you want to volunteer to make face shields like Juday’s or donate money for supplies please get in touch with @faceshieldsforfrontliners,” sabi ni Alice.

Dahil sa ginawang ito ni Juday, pinasalamatan ng kanyang mga followers, lalo na iyong mga frontliners ang aktres para sa pagtulong sa kanila. Kahit daw mapanganib ang kanilang trabaho, basta raw may mga katulad ni Juday na tumutulong sa kanila ay nararamdaman nilang hindi sila nag-iisa sa labang ito.

Panoorin ang video na kuha ni Ryan sa asawang si Juday:

Loading…