Kaboses mo, Jessica Soho: Video ng isang netizen na nag-ala-KMJS episode kahit mag-isa, viral sa social media

  • Trending sa social media ang video ng isang netizen na nag-ala Jessica Soho
  • Ginaya niya kasing mag-isa ang isang istorya mula sa top-rating show na Kapuso Mo, Jessica Soho
  • Marami naman ang namangha dahil talaga namang kaboses nito ang award-winning host na si Jessica Soho

Tuwing Linggo ng gabi, hindi puwedeng hindi nakatutok ang maraming Pilipino sa trending at most watched Filipino show ngayon, ang Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS).

Talaga namang pinag-uusapan ang bawat istoryang tampok sa nasabing magazine show mula sa mga kakaiba at sikat na pagkain, kuwentong kababalaghan, at anumang bagay na viral sa social media.

Pero ngayon, tila mayroong gustong tumapat sa award-winning journalist na si Jessica Soho. Isang netizen kasi ang nagpamalas ng kanyang husay sa pagkukuwento at panggagaya ng boses nang mag-ala-KMJS episode siya gamit ang iniiba-ibang boses.

Larawan mula sa Facebook video ni Chris Refuela

Trending ngayon sa Facebook ang video ni Chris Refuela kung saan makikita si Contessa Rio Fonisher na ginagaya ang boses at paraan ng pag-uulat ni Jessica. Kuhang-kuha nito ang paraan ng pagbabalita ng KMJS host. Pero ang twist, pati ang mga kinakapanayam sa KMJS ay ginagaya rin ni Contessa.

Pinili ni Contessa na gayahin ang isang episode ng KMJS tungkol sa batang si Jun-jun mula sa Camarines Norte na piniling ipiit ng kanyang mga magulang dahil sa kakaibang k0ndisyon nito. Dahil isang KMJS avid fan, kabisadong-kabisado ni Contessa ang bahagi ng istorya ng kanyang idolong si Jessica.

Mula sa pagiging si Jessica, magiging siya rin ang batang si Jun-jun kapag magpapalit siya ng boses. May bahagi rin sa kanyang spoof na nag-iba siya ng boses at naging ang ina ng batang si Jun-jun. Dahil sa mahusay na panggagaya ni Contessa, hindi mapigilan ng nagvi-video na tumawa nang tumawa habang kinukuhanan ang kaibigang nag-aala Jessica Soho.

Maraming netizens din ang namangha at natawa sa kaboses ni Jessica. Agad na nagkaroon ng higit 670,000 views ang video kabilang ang 28,000 reactions na karamihan ay ‘haha,’ 5,000 comments, at 25,000 comments.

Larawan mula sa YouTube video ng GMA News

Ayon sa mga nagkokomento sa video ni Contessa, kapag daw pumipikit sila ay inaakala nilang si Jessica talaga ang nagsasalita. Kapag daw absent si Mareng Jessica, ay maaaring si Contessa na ang pumalit sa Kapuso journalist. Bilib naman daw sila kay Contessa dahil nakabisado nito ang isang istorya mula sa KMJS.

Umaasa rin ang mga solid KMJS fans na mapapanood na rin nila si Contessa sa mismong show ng kanyang idolo. Sana raw ay mapansin ni Jessica ang kanyang kaboses para naman magkaroon sila ng face-off sa isang episode ng KMJS.

Panoorin si Contessa na kaboses ni Jessica Soho:

The best jud ka Contessa a.k.a Jessica SohoHAHAHAHAHA#Kmjs15

Posted by Chris Refuela on Saturday, March 7, 2020

Loading…