Kanya-kanyang diskarte muna: Mga magsasaka sa Bulacan, ibinebenta na online ang kanilang mga ani dahil sa ECQ

  • Maraming mga magsasaka mula sa Bulacan ang may ibang diskarte para mabili ang kanilang ani
  • Sa tulong ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), ibinebenta nila ang kanilang pananim online
  • Nais din ng KMP na magbigay ang pamahalaan ng tulong sa mga magsasaka at mangingisda na walang trabaho ngayon

Dahil sa ipinatutupad na enhanced community quarantine (ECQ) sa bansa, maraming nagtatrabaho ang apektado dahil hindi pinahihintulutang lumabas ng kani-kanilang bahay ang mga mamamayan, maliban na lamang kung maituturing na essential ang trabaho mo.

Ngunit kahit na mahalaga ang trabaho ng isang tao, nagkakaroon pa rin sila ng suliranin sa pagpapatuloy ng kanilang kabuhayan. Kabilang na riyan ang mga magsasaka na tumutumal ngayon ang benta dahil limitado na lamang ang mga umaangkat ng kanilang produkto dahil maraming delivery trucks ang hindi nakapapasok sa mga barangay dahil sa ECQ.

Larawan mula sa PNA

Ito ang dahilan kung bakit dumiskarte muna ang mga magsasaka kung paano maipagbibili ang kanilang mga ani. Sa tulong ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), naibebenta ng mga magsasaka mula sa Norzagaray at San Jose del Monte, Bulacan ang kanilang mga ani sa pamamagitan ng internet.

Inilunsad kasi ng KMP ang Bagsakan Farmers Market kung saan ibinebenta ang mga aning prutas at gulay ng mga taga-Bulacan sa pamamagitan ng Facebook. Maraming masusustansiya at nakabubusog na ani ang ibinebenta ng KMP na mula sa mga magsasaka ng Bulacan.

Ilan sa mga ipinagbibili nila ay kamote, pechay, mustasa, pus0 ng saging, ampalaya, dahon ng sili, repolyo, maging kamoteng kahoy. May mga prutas din silang ibinebenta online katulad ng saging, abokado, kaimito, at papaya.

Sinisuguro din ng KMP at ng mga magsasaka mula sa Bulacan na ipinagbibili nila ang mga prutas at gulay sa presyong palengke o mas mababa pa. Tiyak din daw na sariwa ang mga aning ito para naman matuwa ang kanilang mga customer.

Larawan mula sa PNA

Iginigiit din ng KMP na bantayan ng pamahalaan ang presyo ng mga bilihin sa mga palengke sa bansa. Kahit kasi umiiral ang state of emergency sa Pilipinas, patuloy na tumataas ang bilihin sa ibang palengke. Dapat daw ay naipatutupad ang nasa batas na price freeze.

Maliban dito, isinusulong din ng KMP na magbigay sana ng ayuda ang pamahalaan para sa mga magsasaka at mangingisda na hindi makapagtrabaho sa mga panahong ito dahil sa ECQ.

Loading…