Kapamilya pala: Pangulong Rodrigo Duterte, minsang naging host ng isang ABS-CBN regional network show

  • Minsan pala’y nagkaroon ng programa si Pangulong Rodrigo Duterte sa ABS-CBN regional network
  • Tumagal daw ang morning show na ito ng 17 taon at nahinto lamang nang maging pangulo ang dating Davao mayor
  • Ngayon ay nagkaroon ng katulad na programa sa PTV at mayroon na ring bagong timeslot

Simula nang maupo sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte, naging bukas na siya sa kanyang opinyon patungkol sa television network na ABS-CBN. Inihahayag niya rin noon na gagawin niya ang kanyang makakaya upang hindi na matuloy ang pag-renew ng franchise ng nasabing istasyon.

Ngunit lingid sa kaalaman ng marami, matagal na napanood ang pangulo sa isang television show na umeere sa regional network ng ABS-CBN sa Davao. Tumagal ng halos 17 taon sa ere ang morning show noon ng pangulo na Gikan sa Masa, Para sa Masa (Mula sa Masa, Para sa Masa).

Larawan mula sa YouTube

Bagama’t ang show ay produced ng local government ng Davao, ito ay umere sa ABS-CBN Channel 4 Davao at sa kanilang local radio station na DXAB. Napapanood ang Gikan sa Masa, Para sa Masa tuwing linggo ng umaga kung saan si Duterte ang isa sa main host.

Umpisang napanood ang nasabing morning show noong 1998 nang mahalal si Duterte bilang congressman ng unang distrito ng Davao. Nagsilbi ang show bilang kanyang daan upang mabigyan ng update ang kanyang mga nasasakupan sa mga proyekto sa Davao na unti-unti nang nakikilala noon bilang isang tourism city.

Nawala pansamantala sa ere ang ‘Gikan,’ ngunit bumalik sa ABS-CBN – Davao Channel 4 nang manalo siya bilang mayor noong 2001. Nagpatuloy ito kahit naging vice mayor na lamang si Duterte noong 2010, at patuloy pa ring napanood noong naging mayor siya noong 2013.

Gayunman, noong opisyal nang kandidato si Duterte sa pagkapangulo noong 2016, opisyal nang inihinto ang pagsasahimpapawid ng Gikan sa ABS-CBN.

Larawan mula sa YouTube

Muling ibinalik ng pangulo ang kanyang show sa government run television station na People’s Television (PTV). Pinalitan din nila ang titulo nito at ginamit ang Filipino translation ng Cebuano title na Mula sa Masa Para sa Masa kasama si Rocky Ignacio bilang co-host. Naging primetime show na rin ito at napapanood tuwing Biyernes, alas-7 ng gabi.

Naglabas din ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) ng isang newsletter na may katulad na pangalan noong 2016.

Panoorin ang isang episode ng Gikan sa Masa, Para sa Masa kasama si Pangulong Duterte:

Loading…