Katapat ni Cardo Dalisay: Limang taong ‘Ang Probinsyano,’ ititigil muna dahil sa COVID-19; iba pang ABS-CBN shows, damay din

  • Hindi muna mapapanood ang ilang Kapamilya shows, kabilang ang 5-anyos na Ang Probinsyano dahil sa COVID-19
  • Papalitan muna ang primetime show ng ilang klasikong Kapamilya serye at isang iWant original upang magbigay ng inspirasyon sa mga manonood
  • Maging ang GMA Network ay titigil din muna sa produksiyon ngunit wala pang official lineup sa kanilang temporary programming schedule

Dahil sa pagpapatupad ng community quarantine sa Metro Manila, maging ang mga trabaho ng nasa media ay apektado na rin. Bilang pakikiisa kasi ng mga television network, ihihinto muna nila ang paggawa ng mga drama at entertainment shows at pagpapalabas ng mga ito hanggang sa bumuti na ang sitwasyon.

Naglabas ng pahayag ang broadcast giant na ABS-CBN na pansamantala munang ititigil ang pagpapalabas ng kanilang primetime shows kabilang na ang limang taon na sa ereng Ang Probinsyano.

Papalitan muna ng ilang klasikong primetime Kapamilya shows ang mga ito na tiyak daw na makapagbibigay ng inspirasyon sa mga manonood sa ganitong panahon ng sakuna.

Larawan mula ABS-CBN

Ipapalit sa family drama na Pamilya Ko ang inspirational dramang pinagbidahan nina Jodi Sta. Maria, Xyriel Manabat, at Coney Reyes na 100 Days to Heaven. Ipapalit muna pansamantala sa top rating show ni Coco Martin ang award-winning drama na May Bukas Pa.

Matatandaang tulad ng Ang Probinsyano, talaga namang pumatok din sa masa ang kuwento ni Santino na ginagampanan ni Zaijian Jaranilla noong 2009. Sa serye kasing ito, mapapanood ang pagpapakita ni Bro (Hesus) kay Santino na nagbibigay inspirasyon sa kanilang bayan.

Isang patok na tambalan din ang ipapalit ng ABS-CBN sa serye nina Liza Soberano at Enrique Gil na Make It With You.  Muling bibida sa primetime ang dating magkasintahan na sina Nadine Lustre at James Reid dahil ipalalabas muli ang 2015 series nilang On The Wings of Love.

Pero hindi naman lahat nang ipalalabas sa Primetime Bida ay replay. Isang iWant original series ang papalit sa timeslot ng A Soldier’s Heart. Ipalalabas ang may pagka-suspense drama nina Julia Barretto at Tony Labrusca na I Am U.

Larawan mula sa GMA Network

Wala pa namang anunsiyo sa lineup ng Kapamilya Gold o afternoon timeslot ang ABS-CBN bagama’t tuloy ang finale week ng seryeng Sandugo simula sa Lunes. Replay episodes naman ang ipalalabas sa ilang entertainment show ng ABS-CBN tulad ng ASAP Natin ‘To at It’s Showtime.

Naglabas na rin ng pahayag ang GMA Network na ihihinto na rin muna nila ang production ng kanilang TV shows. Ngunit sa kasalukuyan, uubusin daw muna nila ang ilang taped episode bago ianunsiyo ang magiging temporary lineup nila.

Loading…