Larong mommy: Mga nanay masayang naglaro ng tumbang preso sa kalye; mga netizens na-good vibes

  • Trending ang video ng mga nanay na masayang naglalaro ng tumbang pres0 sa kalye
  • Kahit may edad na, hindi nagpahuli ang mga nanay at ipinakitang mahusay pa rin sila sa paglalaro
  • Umabot na sa milyon ang views ng video at maraming netizen ang na-good vibes dito

Sa panahon ng makabagong teknolohiya, tila nakalilimutan na ng mga kabataan ngayon ang mga tradisyonal na larong Pinoy o kilala rin bilang laro ng lahi. Dahil mas marami ang nahihilig ngayon sa gadgets, bibihira na tayong makakita ng mga batang naglalaro sa lansangan, lalo na sa mga lungsod at ibang lalawigan na rin.

Kaya naman viral ngayon sa social media ang video ng mga nanay na tila binalikan ang kanilang matamis na kabataan. Sinubukan kasi nilang muling laruin ang isang sikat na larong Pinoy na tumbang pres0. At kahit may edad na, hindi pa rin lumilipas ang husay ng mga mommies sa paglalaro nito.

Larawan mula sa video ni Bhongskie Batula

In-upload ng netizen na si Bhongskie Batula ang video ng mga nanay sa kanilang lugar na masayang naglalaro ng tumbang pres0. Game na game ang mga nanay sa pag-asinta ng lata sa loob ng bilog gamit ang kanilang mga tsinelas.

Ang taya namang nanay, maingat na binabantayan ang kanyang mga kalaro upang tayain bago makabalik sa base at magkaroon ng pagkakataong mapatumba ang lata. May isa pang lola na tinangkang sipain ang lata na isa rin sa mga rule ng larong Pinoy.

Napalitan naman ang taya o bantay ng lata nang mabilis na mahabol ng isang nanay ang kanyang kalaro. Tinangka pang dangkalin ni nanay ang tsinelas at ang lata. Sa ganitong paraan kasi ay magkakaroon ng bagong taya kapag nadangkal niya ang mga ito.

Kaya naman matapos ang ilang araw na nasa Facebook ang nasabing video, agad na umani ito ng milyong views. Habang isinusulat ang istoryang ito, mayroon nang halos 3 milyong views, 74,000 reactions, 6,000 comments, at 119,000 shares ang nasabing post.

Larawan mula sa video ni Bhongskie Batula

Maraming netizens ang talaga namang na-good vibes sa bonding na ito ng mga magkukumare. Ayon sa kanila, sobrang natuwa raw sila sa paglalaro ng matatanda at nakangiti habang pinapanood ang video. Hanga rin sila na malakas pa ang mga nanay para makipaghabulan sa kanilang mga kalaro.

May mga nagkomento naman na kailangang ihanda ang pampahid sa katawan dahil siguradong mananakit ang katawan ng mga ‘forgets’ matapos ang matinding takbuhan sa tumbang pres0. Sabi naman ng ilan, isang magandang halimbawa ang ginawa nila nanay para ipakilala sa bagong henerasyon ang masayang larong ito.

Panoorin ang masayang laro ng mga nanay:

Loading…