Liham at kilig: “Smile before you open” na mensahe noon sa mga sulat, mas nakakakilig daw kumpara sa mga instant messaging app

  • Isa sa mga matamis na aalala ng mga kabataan noon ay ang pagpapalitan ng liham na sulat-kamay
  • Ang ganitong uri ng liham ay may bilin pa bago buksan ng binigyan katulad ng “smile before you open”
  • Ayon pa sa mga netizens, mas nakakikilig daw ang ganitong uri ng mensahe kaysa sa mga messaging app ngayon

Isang mahalagang bahagi ng pamumuhay ng mga Pilipino ngayon ang instant messaging applications sa mobile devices. Mahalaga ito dahil maraming magkakalayong pamilya ang napaglalapit nito at nabibigyan ng pagkakataong magkausap. Nagagamit din ito ng mga magkakaibigan at magkakatrabaho upang mapag-usapan ang ilang bagay.

Ngunit bago pa nauso ang mga messaging applications, may sariling diskarte na ang mga kabataan noon sa pagpapadala ng liham sa kanilang mga minamahal. Para sa ilan, ang pagsusulat ng liham sa isang simpleng papel na didisenyuhan din nila ay isa sa mga hindi malilimot na alaala ng mga kabataan noon.

Larawan mula sa post ng Pinoy – Noon at Ngayon page

Ito ang sinariwa ng Facebook page na Pinoy – Noon at Ngayon sa isang post. Ipinakita nila ang isang sulat mula sa pinilas na pahina ng isang notebook. Ngunit ang nakatutuwa sa liham na sulat-kamay ay ang dagdag na motibasyon nito sa taong babasa.

Karaniwan kasing may bilin muna ang taong nagsulat ng liham sa kanyang sinusulatan bago basahin ang nilalaman nito.

Yes. “Smile before you open” ang bilin ng sumulat para naman bago pa makita ang mismong laman ng sulat ay masaya na ang babasa.

Ayon sa post, kahit daw mas hi-tech ang mga messaging applications, wala naman daw ganitong feature ang mga mensaheng ito. Bukod kasi sa mga puno na ng effort ang sumulat para sa taong sinulatan, nakagagaan daw ng loob ang dagdag na request ng nagpadala na ngumiti muna ang babasa.

Dahil dito, maraming bata noon na may edad na ngayon ang naka-relate. Habang isinusulat ang istoryang ito, mayroon nang halos 3,000 reactions, 447 comments, at 6,300 shares ang nasabing larawan ng sulat na may biling “smile before you open.”

Larawan mula sa Pexels

Maraming netizens ang nagbahagi ng kanilang masasayang alaala sa mga sulat na katulad nito. Ayon sa kanila, malaking bahagi ng kanilang high school days ang palitan ng ganitong nakakikilig na sulat. Mas masaya raw ang nakatanggap at mas kinikilig ito dahil puno ng effort ang ganitong klaseng sulat.

“Iba talaga yung kilig kapag may matanggap kang ganito noon lalo na kapag mula sa crush mo!” pahayag ng isang napa-reminisce na netizen.

Loading…