Liquor ban, ipinatupad sa Lungsod ng Maynila dahil sa paglabag sa curfew at social distancing

Imahe mula sa Pixabay
  • Nagpatupad ng liqu0r ban ang Lungsod ng Maynila dahil sa mga ulat ng paglabag sa curfew at social distancing na kanilang natatanggap
  • Dismayado raw si Manila Mayor Isko Moreno dahil patuloy ang pagtitipon ng mga tao sa labas upang mag-inuman kahit pa umiiral ang enhanced community quarantine sa buong Luzon
  • Hiling din niya ang pang-unawa mula sa kaniyang mga nasasakupan

Matapos makapagtala ng patuloy na mga paglabag sa social distancing at curfew ay nagpasya ang Lungsod ng Maynila na magpatupad na ng liqu0r ban.

Imahe mula sa Manila Public Information Office

Ayon sa Manila Public Information Office ay nilagdaan ni Mayor Isko Moreno ang executive order na nagbabawal sa pagbebenta at distribusyon ng anumang nakalalasing na inumin tulad ng beer, alak, at wine simula Marso 30, 2020.

Alinsunod daw ito sa General Welfare Cause ng Local Government Code of 1991 na nagsasabing maaaring magpatupad ng emergency measures ang mga local government units sa panahon ng krisis o kalamidad.

Dismayado raw kasi si Mayor Isko Moreno dahil patuloy pa rin ang pagtitipon ng mga residente sa labas ng kanilang bahay upang mag-inuman sa kabila ng umiiral na curfew at social distancing measure. Umiiral ngayon ang enhanced community quarantine sa buong Luzon.

“Kahapon may mga lasing, may mga nagka-karaoke pa, tambay sa kalsada, nagpaparty-party pa. Ngayon, para wala na kayong dahilan para makahanap ng alak,” sabi ni Moreno.

Imahe mula sa Pixabay

Paalala niya sa mga nagtitinda nito, maaari silang maharap sa karampatang parusa kapag nahuling lumalabag dito.

“Ipininagbabawal na po at binabawi pansamantala ang pribilehiyo sa mga tindahan na nagtitinda ng alak.  Any violation shall lead to the revocation of Mayor’s and Business Permit,” aniya.

Hiling ng mayor ang pang-unawa mula sa kaniyang mga nasasakupan nang sa gayon ay malagpasan na ang kinahaharap na COVID-19 pandemic para na rin sa mga frontliners na patuloy na nagseserbisyo sa mga Pilipino.

“Uunawain ko kayo, pero hindi ko kayo papayagang makaperwisyo. Ayoko mabalewala ang sakripisyo ng nakararami dahil sa iilan,” sabi pa ng alkalde.

Source :

Facebook

Loading…